PINAKAMASIGLA ang pagtatapos ng taon para sa lokal na stock market at inaasahang magiging maganda rin ang taong 2018 para sa sektor sa paglulunsad ng bansa ng mga bagong hakbangin upang makahimok pa ng mas maraming mamumuhunan.
“In 2017, the market did very well. It has been a very profitable year I guess for the investors,” sabi ni Philippine Stock Exchange (PSE) President Ramon Monzon.
Makaraang magtala ng lugi sa dalawang magkasunod na taon, sa unang pagkakataon ay nagsara ang benchmark PSE index sa pinakamataas sa huling araw ng kalakalan nitong Disyembre 29, tumaas ng 23.33 puntos o 0.3 porsiyento sa 8,558.42.
Naitala ang 6,840.64 na presyo ng shares sa pagtatapos ng 2016.
Ang ika-14 na pagkakataon na nagsara ang main index sa pinakamataas noong 2017, kumita ang PSEi ng 25.1 porsiyento.
Kumpiyansa si Monzon na mapapanatili ang kita sa stocks hanggang ngayong 2018, sa pagpapatupad ng kapapasa lang na Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Ang bagong batas sa reporma sa buwis, na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Disyembre 19, ay ang unang package ng panukalang Comprehensive Tax Reform Program (CTRP) ng gobyerno. Inaasahang hahatak ito ng karagdagang kita upang mapondohan ang pangangailangan ng bansa sa pamumuhunan.
“We are banking, hoping to see higher market levels with the passage of the tax reform so we are looking forward to that. We are very optimistic about 2018,” sabi ni Monzon.
Aniya, maglulunsad ang PSE ng mga bagong inisyatibo upang makahimok ng mas maraming mamumuhunan sa stock market sa harap na rin ng pagtaas ng stock transaction tax.
Ayon kay Monzon, maglulunsad ang PSE ng short selling at securities borrowing and lending (SBL) sa unang tatlong buwan ng 2018.
“We are planning to launch new indices because we felt that with new index funds, plus the short selling capability, that would make our markets attractive to foreign investors,” ani Monzon.
Itinaas ng TRAIN ang stock transaction tax mula sa 0.5 porsiyento ng isang porsiyento ng gross selling price nito sa 0.6 porsiyento.
Sa kabila nito, target ni Monzon na makakalap ng P200 bilyon halaga ng kapital ngayong 2018.
“We targeted PhP200 billion for 2017, obviously did not make it. We were only about P150 billion or something. We will target again P200 billion until we get it,” sabi ng presidente ng PSE. - PNA