Sa pagkatalo sa puntos ni IBF light flyweight champion Milan Melindo kay WBA junior flyweight titlist Ryoichi Taguchi sa kanilang unification fight sa Tokyo, Japan noong Linggo ng gabi, sa mga kamao ngayon ni Mercito “No Mercy” Gesta nakasalalay kung siya ang susunod ng kampeong pandaigdig ng Pilipinas.

Para kay Hall of Fame trainer Freddie Roach, malaki ang tsansa ni Gesta na talunin si Venezuelan Jorge “El Nino De Oro” Linares na itataya ang WBA at Ring Magazine lightweight titles nito sa Enero 27 sa “Fabulous” Forum sa Inglewood, California sa Estados Unidos.

Ikinokonsidera ang 32-anyos na si Linares sa pangunahing pound-for-pound boxers sa buong mundo ngunit nagwagi lamang siya via 12-round split decision laban sa Amerikanong si Olympic gold medal winner Luke Campbell noong nakaraang Setyembre para mapaganda ang kanyang kartada sa 43-3-0 win-loss-draw na may 27 pagwawagi sa knockouts.

Ikalawang pagkakataon naman ito kay Gesta para sa world title matapos matalo sa puntos kay dating IBF lightweight champion Miguel Vazquez ng Mexico noong 2012.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Maliban sa tabla kay Mexican Carlos Molina, nagtala ng limang sunod na panalo si Gesta mula sa pagkatalo kay Vasquez pinakahuli ang pagpapatulog kay dating world rated Martin Honorio nitong Hulyo na isa ring Mexican sa Las Vegas, Nevada.

Idiniin ni Roach na sa ipinakikita sa ensayo ni Gesta sa Wild Card Gym sa Hollywood, California, umaasa siya na malaki ang pagkakataon ng Pilipino na may kartadang 31-1-2 win-loss-draw na may 17 knockouts na maging kampeong pandaigdig.

“We’re in a real tough fight. My guy [Mercito Gesta] is definitely getting ready for this fight. We’re going over a lot of strategy,” sabi ni Roach sa Boxingscene.com.

“We started sparring [recently], and it went well. We still have a lot of time to work a little more,” dagdag ni Roach. “He’s looking good so far. I feel we can win this fight. This is a good opportunity for us and we have to take advantage of it as much as we can.” - Gilbert Espeña