Abangan at panoorin ang total lunar eclipse, “blue” at “super” moons, at falling stars sa kalangitan ngayong buwan.
Sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na masasaksihan ng mga Pilipino ang total lunar eclipse sa Enero 31, sa buong bansa.
Ang lunar eclipse ay ang pagdaan ng buwan direkta sa mundo, at matabunan ng anino ng mundo ang mukha ng buwan.
Masisilayan din ito sa South America, North America, Asia, Australia, Middle East, eastern Africa, eastern Europe, Pacific Ocean, at Indian Ocean.
Ayon sa pag-asa, magsisimula ang eclipse dakong 6:49 ng gabi sa Enero 31 (oras sa Pilipinas) at magtatapos 12:09 ng madaling araw ng Pebrero 1. Binanggit nito na magaganap ang greatest eclipse dakong 9:29 ng gabi.
Extraordinary ang total lunar eclipse ngayong buwan dahil ito ang magiging unang total eclipse ng blue moon sa loob ng 150 taon, ayon sa Space.com.
Ang blue moon, ayon sa PAGASA, ay tumutukoy sa ikalawa sa dalawang full moon na magaganap sa parehong buwan.
Ang unang full moon ay sa Enero 2 at ang ikalawa ay masasaksihan sa Enero 31.
Natatangi ang full moon sa Enero 31 dahil lalabas din ito bilang “super moon.”
Mas maliwanag at mas malaki ito kaysa karaniwang full moon dahil magiging mas malapit ito sa time of perigee.
Ang perigee ay isang astronomical term na tumutukoy sa pinakamalapit na distansiya ng buwan sa mundo.
Ang full moon sa Enero 2 ay isa ring super moon dahil ito ay nasa loob ng 361,000 kilometro mula sa mundo.
Sinabi ng PAGASA na mapapanood din ng mga Pilipino ang taunang Quadrantid meteor shower, na magiging aktibo hanggang sa Enero 7.
Masasaksihan ang pinakasukdulan nito sa Enero 3 hanggang 4, kung kailan makikita ang meteors o “falling stars” sa bilis na 40 meteors per hour, ayon sa PAGASA. - Ellalyn De Vera-Ruiz