Nina FER TABOY at YAS OCAMPO
Limang opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Davao City ang sinibak sa puwesto at nakatakdang sampahan ng mga kasong administratibo at kriminal kaugnay ng pagkakatupok ng NCCC Mall sa siyudad, na ikinasawi ng 38 katao dalawang araw bago mag-Pasko.
Kinilala ni Senior Supt. Wilberto Rico Neil Kwan Tiu ang mga sinibak na opisyal ng BFP na sina Supt. Honee Fritz Alagano, city fire marshall; Insp. Renero Jimenez, fire station commander ng Talomo; SFO1 Leo Lauzon, na nagsagawa ng inspeksiyon sa SSI call center sa loob ng mall; FO2 Joel Quizmundo, fire safety inspector ng NCCC Mall; at SFO1 Roger Dumag, hepe ng Fire Safety Enforcement section.
Napag-alaman ng inter-agency anti-arson task force na nagpalabas ng fire safety inspection certificate sa NCCC Mall at SSI gayung may mga nilabag umano ang mga ito sa Fire Code of the Philippines.
Batay sa paunang imbestigasyon ng task force, ikinokonsidera nito ang pagpapataw ng sanction laban sa SSI at NCCC Mall kaugnay ng insidente.
Ayon sa task force, ang fire alarm system ng SSI ay hindi konektado sa central fire alarm ng NCCC Mall, bukod pa sa wala umanong automatic fire suppression system ang SSI.
Lumabag naman ang NCCC Mall sa hindi umano’y paggana ng automatic fire system sa ikatlo at ikaapat na palapag ng establisimyento dahil sarado ang floor control valve nito.
Wala rin umanong sprinkler heads ang ikatlong palapag ng mall at wala ring full enclosures ang fire exit, kaya pumasok ang usok at init ng apoy sa establimyento.
Una nang inihayag ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na hindi bahagi ang pamahalaang lungsod sa task force na nag-iimbestiga sa insidente makaraang tukuyin ng ilang kritiko ang umano’y “ties” ng pamilya Duterte sa NCCC.