Tumaas ng mahigit 500 porsiyento ang bilang ng mga bilanggo sa bansa ngayong taon bunga ng kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga, inilahad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Sa datos ng BJMP, bago manungkulan si Pangulong Rodrigo Duterte ay nasa 110,000 bilanggo ang nakapiit sa iba’t ibang detention facilities ng bansa.
Pero sa pagtatapos ng 2017 ay umabot na sa 149,003 ang mga bilanggo sa buong bansa.
Pinakamarami ang nakakulong sa Manila City Jail na mayroong 5,798 preso, Cebu City Jail, 4,995, at Davao City Jail, 3,348.
Sa bilang na ito, 106,434 ay nakulong dahil sa ilegal na droga. Ang natitirang bilang ay dahil sa iba’t ibang kaso gaya ng murder, robbery, at physical injuries.
Nag-aalala ang BJMP dahil kulang sila sa tauhan. Mayroon lamang 12,200 opisyal ang kagawaran.
Ayon sa tagapagsalita ng BJMP na si Senior Inspector Xavier Solda, lumalaki ang populasyon sa kulungan dahil mas kakaunti ang mga nakakalayang preso kumpara sa mga pumapasok sa kulungan. - Beth Camia