MALAKI ang tsansa na magkaroon ng attention-deficit/hyperactivity disorder (ADHD) ang mga sanggol na isinilang ng mga naninigarilyo habang nagbubuntis, pagkukumpirma ng isang bagong pag-aaral.
Ang mga nanigarilyo habang nagbubuntis ay 60 porsiyentong mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng anak na may ADHD kumpara sa mga babae na hindi naninigarilyo. Para sa mga ina na kumonsumo ng mas kakaunti sa sampung sigarilyo sa isang araw, 54 porsiyento na mas mataas ang posilidad na magsilang siya ng sanggol na mayroong ADHD kumpara sa mga ina na hindi naninigarilyo. Para naman sa mga ina na marami kung manigarilyo, ang panganib ay 75 porsiyentong mas mataas kumpara sa mga hindi naninigarilyo.
Ang pagtaas ng panganib ng ADHD sa mga anak ng mga naninigarilyo habang nagbubuntis ay naiulat na noon. Ang bago rito, lahad ng may akda, ay ang mga datos na mula sa mga pag-aaral sa iba’t ibang bansa at ibang mga panahon, at sa pagtaas ng araw-araw na tally ng sigarilyo, ang panganib sa pagkakaroon ng ADHD ay tumaas din.
Ang resulta ng pag-aaral “lend greater strength and credibility and statistical power to previous studies that likewise show that pregnant women who smoke have a greater likelihood of having a child with ADHD,” lahad ni Dr. Andrew Adesman, hepe ng developmental at behavioral paediatrics unit ng Steven and Alexandra Cohen Children’s Medical Center sa New York.
Ayon pa kay Adesman, ang nasabing pag-aaral “has to be taken seriously. Women who smoke during pregnancy have one more reason to stop.”
Ayon sa 2011 Pregnancy Risk Assessment and Monitoring System (PRAMS) data mula sa 24 na bansa, tinatayang 10 porsiyento ng mga babaeng Amerikano ang naiulat na naninigarilyo sa huling tatlong buwan ng pagbubuntis.
Labing-isang porsiyento ng mga batang Amerikano na edad apat hanggang 17, o 6.4 na milyon, ang na-diagnose na may ADHD batay sa mga ulat ng mga magulang, ayon sa Centers for Disease Control and Prevention. Maaaring makaapekto ang ADHD sa atensiyon, hyperactivity at self-control, na nagdudulot ng hirap sa paaralan at sa pakikisalamuha sa iba. - Reuters