75 SENTIMOS DAGDAG SA KEROSENE

Nagpaalala ang Department of Finance (DoF) sa mga kumpanya ng langis na huwag munang magtataas ng presyo ng kanilang produktong petrolyo sa unang araw ng 2018.

Sa inilabas na advisory ng DoF, na ipinadala sa Presidential Communications Operations Office (PCOO), ipinaliwanag ng kagawaran na hindi awtomatikong magiging epektibo ang fuel excise tax sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law ngayong Martes, dahil mayroon pa namang lumang stockpile ang oil companies.

Ayon sa DoF, mayroon pang imbentaryo ng imported oil kaya asahang magkakaroon lamang ng adjustment dalawa hanggang tatlong linggo sa oras na mag-angkat uli ang mga kumpanya ng petrolyo.

National

Ex-Pres. Duterte, ikakampanya si Quiboloy: 'Marami siyang alam sa buhay!'

Nakasaad din sa mensaheng ipinadala kahapon ni Communications Secretary Martin Andanar na ang anumang taas-presyon na ipatutupad ng oil companies ngayong Martes ay maikokonsiderang profiteering.

Magugunitang sa ilalim ng nasabing batas, papatawan ng excise tax na P2.50 kada litro ang diesel, P7 sa kada litro ng gasolina, P3 sa kerosene, at piso sa kada kilo ng LPG.

Sa kabila nito, nagpatupad ng oil price hike ang mga kumpanya ng langis sa bansa, sa pangunguna ng Shell at PTT Philippines, ngayong Martes.

Sa abiso ng nasabing dalawang kumpanya ng langis, epektibo dakong 6:00 ng umaga ng Enero 2 ay magtataas ng 75 sentimos sa kada litro ng kerosene, 65 sentimos sa diesel, at 20 sentimos naman sa gasolina.

Asahan na ang pagsunod ng ibang kumpanya ng langis sa kaparehong dagdag-presyo sa petrolyo, kasunod ng paggalaw ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang pamilihan.

Disyembre 19 huling nagpatupad ng price hike nang magdagdag ng 50 sentimos sa kada litro ng diesel, 45 sentimos sa kerosene, at 30 sentimos sa gasolina. - Beth Camia at Bella Gamotea