HOUSTON (AP) — Maliit, ngunit tunay na malupit si Chris Paul.

Los Angeles Lakers forward Kyle Kuzma (0) shoots over Houston Rockets center Nene (42) in the first half of an NBA basketball game Sunday, Dec. 31, 2017, in Houston. (AP Photo/Michael Wyke)Hataw ang 6-foot-2 point guard sa naiskor na 15 sa kabuuang 28 puntos sa extra period para sandigan ang Houston Rockets sa makapigil-hiningang 148-142 panalo sa double overtime kontra Los Angeles Lakers nitong Linggo (Lunes sa Manila).

Hataw si James Harden sa naiskor na 40 puntos, ngunit hindi na niya natapos ang laro sa natamong hamstring injury tungo sa krusyal na sandali ng regulation.

Umabante ang Los Angeles sa pinakamalaking 17 puntos sa regulation, subalit bigo silang makontrol ang tempo sa krusyal na sandali para tapusin ang taong 2017 sa malamyang six-game losing skid.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Naisalpak ni Paul ang dalawang free throws para maitabla ang iskor sa 142-all mahigit isang minuto ang nalalabi sa second overtime, kasunod ang matikas na depensa ni Tarik Black kay Kyle Kuzma para maibalik ang opensa sa Rockets.

Naibulso ni PJ Tucker ang put back mula sa mintis na tira ni Paul para maagaw ang bentahe sa 144-142. Nabutata ni Tucker ang pagtatangka ni Kuzma sa three-point area bago nakakuha ng foul si Paul at muling naisalpak ang dalawang free throws para sa apat na puntos na bentahe may tatlong segundo ang nalalabi.

Nanguna si Julius Randle sa Lakers sa naiskor na season-high na 29 na puntos at 15 rebounds, ngunit na-foul out din may tatlong minuto ang natitira sa unang overtime.

Kumubra si Trevor Ariza ng season-high 26 puntos para sa Houston.

CELTS 108, NETS 105

Sa Boston, kumubra si Kyrie Irving ng 28 puntos at nag-ambag si Al Horford ng 10 puntos at 10 rebounds sa panalo ng Celtics kontra Brooklyn Nets.

Nag-ambag si Marcus Morris ng 15 puntos at tumipa si Terry Rozier ng 14 puntos para sa ikatlong sunod na panalo at ikaapat sa kabuuang limang laro bago ang bagong taon.

Hataw si Rondae Hollis-Jefferson sa natipang 22 puntos at 12 rebounds, habang kumana si Caris LeVert ng 16 na puntos para sa Nets.

Nahila ng Celtics ang dominasyon sa Nets sa ikapitong sunod na panalo, ngunit dinugo ang Boston sa pagkakataong ito at nakuha lamang ang panalo sa dalawang free throws ni Irving may pitong segundo ang nalalabi.

Nakaabante ang Nets sa 103-95 mula sa dunk ni Hollis-Jefferson may 2:05 ang nalalabi, ngunit nakadikit ang Celtics mula sa three-point play ni Quincy Acy.

TIMBERWOLVES 107, PACERS 90

Sa Indianapolis, nilapa ng Minnesota Timberwolves, sa pangunguna ni Jimmy Butler na may 26 puntos, anim na rebounds at limang assists, ang Indiana Pacers,

Ratsada rin si Karl-Anthony Towns sa natipang 18 puntos, 14 rebounds at anim na blocks, at kumana si Taj Gibson ng 17 puntos at siyam na rebounds para sa Timberwolves (23-14).

Kumubra si Joe Young ng career-high 20 puntos at kumubra si Bojan Bogdanovic ng 13 puntos para sa Pacers (19-18).

MAVS 116, THUNDER 113

Sa Oklahoma City, tinapos ng Dallas Mavericks ang kampanya sa 2017 sa impresibong four-game winning streak matapos pabagsakin ang Thunder.

Nagsalansan si Harrison Barnes ng 24 puntos, habang kumana si Dennis Smith Jr. ng 19 na puntos, at tumipa si Dirk Nowitzki ng 13 puntos para sa Dallas.

Nagawang makalusot ng Dallas sa kabila ng matikas na laro ni Russell Westbrook sa naisikor na ika-12 triple-double ngayong season sa naiskor na 38 puntos, 15 rebounds at 11 assists. Natikman ng Thunder ang ikalawang sunod na kabiguan.

Nag-ambag si Paul George ng 25 puntos, habang tumipa si Carmelo Anthony ng 21 puntos para sa Oklahoma City.

Sa iba pang laro, dinaig ng Washington Wizards ang Chicago Bulls, 114-110; pinaluhod ng Memphis Grizzlies ang Sacramento Kings, 114-96; at pinatahimik ng Los Angeles Clippers ang Charlotte Hornets, 106-98.