ni Ric Valmonte
SA kanyang mensahe para sa ika-121 anibersaryo ng kamatayan ng Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal, umapela si Pangulong Duterte sa mga Pilipino na kilalanin at huwag sayangin ang sakripisyo at pagmakabayan nito.
“Samantalahin natin ang okasyong ito bilang pagkakataon ng kilalanin ang kanyang sakripisyo para sa ating bansa. Pagmuni-munihan natin ang kanyang pagkamakabayan habang pinagsusumikapan natin ang kanyang nasimulan na para sa pagtatatag ng higit na nagkakaisa, mapayapa at nakaririwasang Pilipinas. Sa panahon ng kadiliman, nagsilbing ilaw ang kanyang mga sinulat na naging gabay ng ating mga ninuno sa kanilang pakikibaka para sa tunay na pagkapantay-pantay at kalayaan. Bilang manunulat at iskolar, kinondena niya ang kurapsiyon at kaganiran at iba pang kamalian sa lipunan na patuloy na gumigiyagis sa ating bansa hanggang ngayon. Hanggang sa kamatayan, ipinaalam niya sa atin ang kanyang hangarin para sa isang bansa na malaya sa kawalan ng katarungan at paniniil,” sabi niya.
Taun-taon, tuwing araw ng kapanganakan o kamatayan ng ating mga bayani, pangunahin na nga sina Dr. Jose Rizal at Gat Andres Bonifacio, nag-iisyu ng mensahe ang ating mga lider. Pero, tingnan ninyo ang mensahe ni Pangulo Duterte para sa ika-121 anibersaryo ng kamatayan ng ating Pambansang Bayani. Ganito rin ang kanyang mensahe sa unang taon ng kanyang panunungkulan. Ganito rin ang inilabas ng mga sinundan niya. Nakakasawa nang basahin at pakinggan.
Katanggap-tanggap ang ipaalala sa mamamayang Pilipino ang hirap at pagpapakasakit ng ating mga bayani at mga sakit ng ating lipunan na inalayan nila ng kanilang buhay upang malutas ang mga ito. Ang hindi katanggap-tanggap ay alam naman ng ating mga lider ang mga ito. Katunayan nga, sila pa ang nagpapagunita ng mga ito sa taumbayan.
Pero may pagbabago bang naganap at nagawa na nakabuti sa buhay ng Pilipino? Patuloy pa ring dinaranas ng sambayanan ang kurapsiyon, kaganiran at iba pang salot ng lipunan na kinondena ni Rizal, ayon kay Pangulong Digong.
Kasi, ang mensahe ng ating mga lider ay walang laman. Ang mga lider na nag-iisyu ng mensahe na dapat unang magsabuhay nito ay kabaligtaran ang ginagawa. Gaya ng mga pagpatay sa pagpapairal ng war on drugs. Naganap ang mga ito sa kabila ng sinabi ni Rizal na “hindi magagamot ng kasamaan ang kapwa kasamaan.”