SA kabila ng sugat sa kanang kilay, matikas na nakipagpalitan ng bigwas si Melindo laban sa karibal na Japanese champion. AFP
SA kabila ng sugat sa kanang kilay, matikas na nakipagpalitan ng bigwas si Melindo laban sa karibal na Japanese champion. AFP

TOKYO, Japan – Dagok sa Philippine boxing ang sumalubong sa Bagong Taon.

Sa kabila ng determinadong pakikihamok, nabigo ang Pinoy world champion na si Milan Melindo sa hangaring mapag-isa ang junior flyweight title nang maungusan ni Japanese titlist Ryoichi Taguchi sa madugong unanimous decision sa bisperas ng Bagong Taon sa Ota-City General Gymnasium dito.

Sa kaganapan, si Taguchi (27-2-2, 12 knockouts) ang hinirang na ‘unified champion’ nang maagaw kay Melindo ang IBF 108-pound belt at mapanatili ang WBA sa iskor ng tatlong hurado na nagbigay ng 116-112 (Gustavo Jarquin ng Nicaragua), 117-111 (Francis Jackson ng U.S), at 117-111 (Ignacio Robles of Panama).

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Nagawang madomina ni Melindo (37-3, 13 KOs) ang unang dalawang round gamit ang bilis sa counter punch at jabs na tulad ng kanyang naging diskarte sa panalo niya via split-decision kay Hekkie Budler nitong Setyembre.

Sa mga sumunod na round, ipinadama ng 31-anyos na si Taguchi ang kanyang lakas at determinasyon para makontrol ang laban at mapabagal ang galaw ni Melindo matapos maputukan ng sugat sa kanang kilay.

Ngunit, sa kabila ng sitwasyon, nagawang makipagpalitan ng bigwas ni Melindo,pambato ng Cagayan de Oro City, na sumabak sa kanyang ikalawang title defense at target na makalinya sa maiksing listahan ng Pinoy multi-titled boxers.

Bunsod ng sugat, naging pili ang kilos ng Melindo na siya namang sinamantala ng Japanese rival para pasukan ng kombinasyon at jabs sa bodega ang Pinoy.

Dumadagundong ang arena sa hiyawan ng local crowd at ilang OFWs na nagbigay ng suporta kay Melindo sa bawat sandali na nagpapang-abot ang dalawa sa pagpapalitan ng mga suntok, sa kabila ng pag-agos ng dugo sa mukha ng Pinoy dulot ng sugat na madalas ding targetin ng karibal.

Muling nagkauntugan ang dalawa, dahilan para mas lumaki ang sugat ni Melindo sa 12-round na nagpuwersa sa ring doctor na humingi ng 90-minute medical check sa mata ng Pinoy.

Nakamit ni Melindo ang WBA title noong Mayo 2017 nang pabagsakin niya sa unang round ang Japanese na si Akira Yaegashi. Bunsod ng kabiguan, tanging sina IBF junior bantamweight champ Jerwin Ancajas at IBF flyweight champ Donnie Nietes ang Pinoy na world titlist sa kasalukuyan.

Nahila ng Japanese titlist ang marka sa 27-2 na may 12 KOs. Hindi pa siya natatalo mula noong 2013 nang maagaw ang korona via unanimous decision kontra sa kababayang si Naoya Inoue.