Isang 58-anyos na lalaki ang nasawi sa isa sa walong sunog na sumiklab sa magkakahiwalay na lugar sa Metro Manila sa pagsalubong sa Bagong Taon nitong Linggo ng gabi hanggang kahapon ng umaga.

Nasawi sa sunog sa Pasig City si Elmer Lañora, 58, makaraang magliyab umano ang kanyang kalan sa loob ng kanyang bahay sa Katarungan Street sa Barangay Caniogan bandang 10:55 ng gabi nitong Linggo.

Umabot sa ikatlong alarma ang sunog na tumupok sa 15 bahay, hanggang ganap na naapula dakong 3:00 ng umaga kahapon.

Nasa 40 pamilya ang nawalan ng tirahan.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP)-Pasig, namatay si Lañora—may sakit sa hika—makaraang ma-suffocate sa usok.

Nagkaroon din ng sunog, dakong 11:37 ng gabi sa Bgy. 74 sa Caloocan City, na sinundan ng pagliliyab ng isang commercial building sa Alvarado Street sa Binondo, Maynila bandang 11:48 ng gabi.

Nagkasunog din sa Sta. Rosa St. sa Tondo, Maynila dakong 12:15 ng umaga.

Nakapagtala rin ng sunog sa Bgy. Bagbag sa Novaliches, Quezon City; sa panulukan ng Coronado at San Bernandino Streets sa Guadalupe Viejo, Makati City; sa Bgy. Maybunga, Pasig City; at sa Bgy. Bagbagin, Valenzuela City. - Jel Santos at Fer Taboy