SAMA-SAMA ang pamilyang Pilipino sa maagang pagdiriwang ng Pasko kasama ang ABS-CBN News sa ginanap na Just Love Grand Kapamilya Christmas Fair sa Circuit Makati nitong Disyembre.

Trabaho, negosyo, bagong kaalaman, at serbisyong medikal sa isang buong araw na puno ng aliw at kasiyahan ang naiuwi ng halos 6,000 Pilipino sa kanilang pakikilahok sa sari-saring aktibidad na inihanda ng ABS-CBN Integrated News & Current Affairs (INCA) bilang pasasalamat sa pagtangkilik at suporta ng sambayanan sa mga programa at proyekto ng ABS-CBN News at DZMM.

Sabi ng pinuno ng ABS-CBN INCA na si Ging Reyes, karangalan para sa kanila na makapaglingkod sa bayan sa iba pang paraan maliban sa pagbabalita.

“Ito ay para magpasaya lang sa mga kapamilya natin and at the same time public service. Gusto nating sabihin sa kanila at ipadama sa kanila na kasama natin sila ngayong Pasko. Ito ay puro pagmamahal lang para sa kanila,” ani Ging.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Sa umaga, daan-daan ang sumailalim sa libreng check-up, at nag-uwi ng gamot, salamin, at treatment na hatid ng DZMM at Salamat Dok at mga katuwang nilang organisasyon. Marami rin ang pumila upang makakuha ng libreng gupit at manicure mula sa Tapatan ni Tunying, libreng facial sa Ma-beauty Naman Po ni Cory Quirino, aura reading mula sa programang Pinoy Vibes, legal consultation mula sa Usapang de Campanilla, at LTO, Philheath, SSS help desk ng Failon Ngayon.

Marami rin ang natuto mula sa disaster-preparedness seminar ang Red Alert kasama siJeff Canoy, samantalang nagkaroon naman ng ideya sa panenegosyo ang iba sa Kabuhayan Caravan ng My Puhunan.

May masuwerteng tumanggap ng negosyong bigasan ang ilan mula sa Radyo Negosyo ni Carl Balita, at ang iba naman ay pumila at nakakuha ng trabaho sa job fair.

Ang ibang programa naman, aliw at saya ang dala sa buong pamilya. Nakisali ang mga dumalo sa pabingo ng Mission Possible, mystery game ng SOCO, at pa-videoke ng Rated K, habang ang kanilang mga anak ay nalibang sa magic show at memory game ngMatanglawin at mini-theme park sa loob ng fair.

Pinilahan din ang pameryenda ng ABS-CBN Docucentral at Umagang Kayganda, na namudmod ng kanilang “Nanay Manual” na naglalaman ng mga recipe at tips sa pamamalakad ng bahay. Patok din sa mga tao ang sariwang mga gulay at prutas hatid ng Sa Kabukiran ni Ka Louie Tabing, at aliw na aliw din ang mga tagapakinig ng Dos Por Dos sa trivia game kasama si Anthony Taberna.

Bukod sa mga anchor ng kanilang mga paboritong news and current affairs programs tulad nina Karen Davila, Julius Babao, Gretchen Ho, Gus Abelgas, at Anthony Taberna, nakasama rin ng mga pumunta ang ilang Kapamilya stars tulad nina Melai Cantiveros ng Magandang Buhay, Marlo Mortel ng Knowledge Channel, Joseph Marco at RK Bagatsing ng Wildflower, Dino Imperial at Mark Neumann ng La Luna Sangre, Sofia Andres at Albie Casino ng Pusong Ligaw, at ang mga bibong bata mula sa FPJ’s Ang Probinsyano, TNT Boys na sina Mackie Empuerto, Francis Concepcion, at Kiefer Sanchez, at Team YeY. Hinarana rin ang mga Kapamilya nina Migz Haleco at Daryl Ong ng ASAP at sumayaw naman ang GirlTrends na sina Jessica, Krissha, at Maika, at Hashtags CK, Wilbert, at Jimboy ng It’s Showtime.