Ni PIT M. MALIKSI 

MALIGAYANG Bagong Taon sa lahat ng mga mambabasa ng Balita!

Nakagawian nang magsimba ng inyong lingkod kapag araw ng Pasko sa St. Clement Church sa Town Center, Alabang para pagkapananghalian ay manood ng pinakamagagandang pelikulang kasali sa Metro Manila Film Festival. 

‘Deadma Walking’
‘Deadma Walking’

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Una kong pinanood ang Deadma Walking na marami naman ang nanood at nang maglabasan pagkatapos ng pelikula ay kitang-kita sa mukha ng lahat ang kasiyahang hatid ng pelikula dahil talaga namang nakakaaliw at nakakatawa. Kaya lang, pagkatapos ng gabi ng parangal, marami ang nagtaka kung bakit hindi Best Actor ang napanalunan ni Edgar Allan Guzman kundi Best Supporting Actor. Napakagaling at tumimo sa isip ng lahat ng nakapanoood ang natural at kahanga-hangang pag-arte ni EA, sa totoo lang.

Sa Festival Mall naman ako nanood ng Larawan na marami rin ang nanood, pero mas marami ang humabol sa last full show nito. Nararapat lamang na nanalo ng Best Picture ang Larawan. Pilipinong-Pilipino ang tema nito na pagbabalik-tanaw sa ating sinaunang kultura at sining na nakakapanghinayang dahil kinakalimutan na lamang bunsod ng makabagong uri ng pamumuhay.

Balak ko ring panoorin ang Ang Panday ni Coco Martin pero napakahaba ng pila ng mga nasa wastong gulang na manonood. Nagpapaligsahan sa rami ng tao ang Panday at Gandarrapiddo: The Revenger’s Squad na pinagbibidahan naman nina Vice Ganda, Daniel Padilla at Pia Wurtzback.

Habang naghihintay akong makapasok sa Larawan, nagtanong ako sa malaking grupo ng kabataang papasok sa  Revenger kung bakit nila ito panonoorin. Iisa at sabay-sabay ang sagot nila, dahil sa idolo nilang si Daniel.

‘Ang Larawan'
‘Ang Larawan'

Nagtanong din ako sa mga nakatatanda, lalo na ang senior citizens, kung bakit sila nakapila na may alalay pang mga apo. Sabi nila, dahil sinasamahan nila ang mga bata pero mas gusto raw nila ang Larawan. 

May tinanong din akong grupo ng nagkakasayahang mga beki na si Pia daw ang dahilan ng pakikipila. Ganoon din ang sagot sa akin ng mga manonood sa SM San Pablo City at Walter Tanauan City sa paghahanap ko ng Siargao sa mga sinehan dito sa aming probinsiya.

Daniel Padilla
Daniel Padilla

Kumpirmasyon ito ng aking narinig na ang MMFF ay sadyang para sa mga bata lalo na’t sa araw ng Pasko sila pumipila. Katunayan din na malakas ang hatak ni Daniel Padilla sa millennials. 

Ano kaya kung si Vice lamang ang bida, manguna pa rin kaya siya sa takilya o maungusan ni Coco Martin at Vic Soto?

Sa isang banda, tama ang pasya ng MMFF executive committee na huwag ipaalam ang kita ng mga kasali para maiwasan ang bandwagon trending upang kumita naman ang ibang pelikula. 

At tama rin na nagbigay sila ng awards sa ikaapat na araw ng filmfest na nakatulong nang husto sa mga nanalo upang tangkilin ng mahihilig manood ng de-kalidad na pelikula.

‘Siargao’
‘Siargao’

Sa ngayon, marami pa rin ang nag-aabang na maipalabas ang Ang Larawan, Deadma Walking at Siargao sa provincial theaters ng SM at iba pang mga sinehan. Sana nga kumita ang lahat ng producers para tuluy-tuloy ang ligaya sa susunod na MMFF. 

Mabuhay ang mga manonood lalo na ang mga de-kalidad ng pelikulang Pilipino!