APAT na taon na ang nakalipas nang sumirit ang singil sa kuryente sa bansa noong Nobyembre at Disyembre 2013, kasunod ng pagkaunti ng supply ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at sinikap ng Energy Regulatory Commission (ERC) na panatilihing mababa ang singil, subalit hindi pa rin nareresolba ang usaping legal sa nangyaring ito hanggang sa ngayon.
Naalaala pa ng mga bahay, opisina at pabrika kung paanong sumirit ang singil sa kuryente sa P9.10 per kilowatt hour (kWh) ng Nobyembre, at pumalo pa sa P10.23 per kWh ng Disyembre, makaraang magkasabay ang pagsasara ng Malampaya at ng iba pang gas plants.
Namagitan ang ERC upang mabalewala ang mataas na singil ng WESM. Tinukoy nito ang paglimita ng kapasidad ng ilang generation company, na nagresulta sa pinaniniwalaang sabwatang kakapusan sa kuryente. Nakialam ang ERC alinsunod sa mandato nitong panatilihin ang maayos at patas na kumpetisyon sa merkado. Kung hindi ito nakialam, ayon sa komisyon, mapapahintulutan ang mga generation company na makinabang sa sitwasyon ng supply na sila naman mismo ang may pakana. Dumulog sa korte ang mga kumpanyang ito.
Nitong Disyembre 7, 2017, nagpasya ang Court of Appeals (CA) laban sa naging desisyon ng ERC. Pinagtibay nito ang mataas na singil ng WESM. Ayon sa korte, nagkamali ang ERC nang ilabas nito ang pasya nang walang due process.
Naghain ng motion for reconsideration ang ERC, iginiit na ang pasya ng CA ay maaaring magbunsod ng generation charge na sisingilin naman sa mga consumer. Dagdag pa nito, ang pasya ng korte ay malinaw na tuwirang kumontra sa pagsisikap ng ERC na maiwasan ang mga hindi tamang dagdag-singil sa kuryente.
Dedesisyunan ang kaso batay sa legal na basehan nito. Subalit dapat nating ihayag ang ating pagkabahala sa posibilidad na ang sitwasyong gaya ng nangyari noong 2013 ay mangyayari muli at muling sisirit sa nakalululang presyo ang singil sa kuryente.
Sa ngayon, Pilipinas ang isa sa may pinakamatataas na singil sa kuryente sa buong Timog Silangang Asya sa sa P7.49 per kWh para sa mga negosyo, at P8.90 sa kabahayan. Kailangan nating mapanatiling mababa ang singil na ito upang maisulong ang pagpapabuti ng komersiyo at industriya. At hindi maaaring mangyari ang kaparehong sitwasyon gaya ng nangyari noong 2013, nang ang singil sa kuryente ay umabot sa P10.23 per kWh.
Pinamumunuan ngayon ni dating Justice Secretary Agnes Devanadera, marapat na maisakatuparan ng ERC ang mandato nito na isulong ang malaya at patas na kumpetisyon sa industriya, parusahan ang mga nagsasamantala sa merkado ng kuryente, at protektahan ang karapatan ng mga consumer.