Ipinahayag ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang listahan ng dalawampu’t apat (24) na lugar sa ibang bansa, na nananatiling off limits sa overseas Filipino workers (OFW) ngayong 2018.

Sa Advisory 21, series of 2017, inilista ng POEA ang mga lugar na may pending deployment ban mula sa gobyerno dahil sa pangamba sa seguridad at hindi mainam na economic conditions para sa OFWs.

“Except when specified, the coverage of this Advisory shall apply to landbased deployment and will remain valid unless updated by subsequent issuance(s),” diin ng POEA.

Kabilang sa listahan ang mga bansang, mayroong total deployment ban dahil sa kaguluhan, gaya ng Afghanistan; Somalia; Sudan (maliban sa Khartoum at Kenana Sugar Plantation sa White Nile); Great Lakes Region (Rwanda at Burundi); Syria; Yemen; Iraq at Chechnya Republic.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Sakop ng total deployment ban ang lahat ng skills categories at epektibo kapwa sa new hires at rehires.

Umiiral naman ang partial deployment ban sa South Sudan; Iraqi Kurdistan Region; Libya; at Ukraine.

Hindi pinahihintulutan ang new hires na magtungo sa mga bansang ito, ngunit maaaring bumalik ang mga OFW na dati nang nagtatrabaho roon.

Inilabas din ng POEA ang conditional deployment restriction sa Palau, para sa Filipino household service workers (HSW) dahil hindi sila nabibigyan ng nararapat na working conditions ng kanilang employer.

Sakop din ng POEA Advisory 21 ang 11 bansa, na hindi sinertipikahan ng Department Foreign Affairs (DFA) sa sumusunod sa Republic Act 10022 o ang Amended Migrant Workers Act.

Kabilang sa listahan ang Afghanistan; Chad; Cuba; Democratic People’s Republic of Korea/North Korea; Haiti; Mali; Mauritania; Niger, Palestine; Somalia; at Zimbabwe.

Sa ilalim ng RA 10022, hindi maaaring magpadala ng OFW ang POEA sa mga nasabing bansa nang walang certification mula sa DFA. - Samuel P. Medenilla