Ni KATE LOUISE B. JAVIER
Nasa bingit ng kamatayan ang isang 10-anyos na lalaki makaraan siyang matamaan ng ligaw na bala dahil sa pag-aaway ng kanyang mga kapitbahay sa Caloocan City nitong Linggo.
Habang sinusulat ang balitang ito ay agaw-buhay si Joven Earl Gaces, 10, Grade 5 student, habang sugatan naman ang kaibigan niyang si Princess Denise Cruza, 10, mag-aaral sa Grade 4, nang matamaan sila ng mga ligaw na bala habang nanonood ng fireworks display sa kanilang komunidad sa Barangay 35 sa Maypajo.
Naaresto naman ng mga pulis si Isagani Ancheta, 38, makaraang pagtulungang gulpihin ng mga residente sa lugar.
Ayon kay PO1 Deojoe Dador, nakaalitan ni Ancheta ang lasing na si Gil Galapuz, 27, matapos na harangan ng huli at sakalin ang suspek.
Nagawa namang bunutin ni Ancheta ang kanyang Glock 17 at ilang beses na nagpaputok, ayon sa pulisya.
Nabatid na nabaril at may saksak din sa katawan si Galapuz, na dinala sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC).
Kuwento naman ng mga ina ng dalawang bata, kapwa sila nasa loob ng bahay nang ipaalam sa kanila ng mga kapitbahay na natamaan ng ligaw na bala ang kanilang mga anak, bandang 12:10 ng umaga.
“Sinabi ko sa kanya (Princess) na huwag nang lumabas ng bahay kasi magdadasal kami. Sabi niya uuwi siya agad pagkatapos manood (ng fireworks),” sabi ni Lorna Cruza.
Maayos na ngayon ang lagay ni Princess sa Tondo Medical Hospital makaraang matamaan ng bala sa tiyan.
Ayon naman kay Malou Gaces, ina ni Joven, pumasok sa balikat ng paslit ang bala at lumabas sa kaliwang bahagi ng tiyan nito. Kritikal ngayon ang lagay ng bata sa JRMMC.
“Dapat siyang (Ancheta) makulong. Agaw-buhay ngayon ang anak ko, na dapat ay nagse-celebrate kami ng New Year,” umiiyak na sabi ni Malou.
Nabatid na sinabi ni Ancheta na hiniram lamang niya sa isang “Joel” ang kanyang baril. Nakumpiska rin sa suspek ang 10 bala, isang patalim, at isang sachet ng shabu.
Nahaharap si Ancheta sa dalawang bilang ng frustrated homicide, attempted homicide, illegal possession of illegal firearms and ammunitions, bladed weapon, at dangerous drugs.