Sumiklab ang sunog sa isang bahagi ng restaurant sa loob ng Market! Market! Mall sa Taguig City nitong Sabado ng hapon, ang ikalawang insidenteng naitala sa nasabing establisyemento sa loob lamang ng isang linggo ayon sa local Bureau of Fire Protection (BFP).
Ayon kay Superintendent Flor-Ian Guerrero, Taguig fire marshall, nagsimula ang sunog sa tsiminea o sa kusina ng Kamayan Restaurant sa loob ng nasabing mall sa Bonifacio Global City (BGC), bandang 4:38 ng hapon.
Sinabi ni Guerrero na agad naapula ng mga empleyado ng kainan ang apoy bandang 4:50 ng hapon. Patuloy na inaalam ang sanhi ng sunog, dagdag niya.
Agad nagsilikas ang mga customer at empleyado, aniya, kaya walang nasugatan sa insidente.
Ito ang ikalawang sunog na naitala sa loob ng Market! Market! sa loob ng limang araw.
Matatandaang nitong Pasko, umusok ang isang parol na nakasabit sa gitna ng Activity Center, at nagliyab hanggang sa nahulog sa tindahan ng mga damit.
Dahil sa pagkataranta ng mga mamimili, dalawang katao ang sugatan sa stampede. - Martin A. Sadongdong