Ni Bella Gamotea

Hindi kagandahang balita sa mga motorista.

Napipintong magpatupad ng big time oil price hike ang mga kumpanya ng langis sa bansa sa pagpasok ng taong 2018.

Sa pagtaya ng Department of Energy (DOE), posibleng tumaas ng 70 hanggang 80 sentimos ang presyo ng kada litro ng kerosene; 60-70 sentimos sa diesel at 20-30 sentimos sa gasolina.

Ang nagbabadyang pagtaas sa presyo ng langis ay bunsod ng paggalaw ng presyuhan nito sa pandigdigang pamilihan.

Mga pelikulang pinagtambalan nina Robin Padilla at Sharon Cuneta

Hindi pa kasama rito ang bagong excise tax na epektibo na ngayong Enero 1, at kung isusuma ang kabuuan ay aabot sa P3.40-P 3.50 ang magiging presyo sa kada litro ng diesel, P3.17-P3.27 sa gasolina at P4.06-P4.16 sa kerosene.

'WAG MUNA

Kaugnay nito, nanawagan kahapon ang DOE sa mga kumpanya ng langis na huwag munang patawan ng mas mataas na excise tax ang presyo ng produktong petrolyo sa mga gasolinahan ngayong Lunes, Enero 1.

Iginiit ni Energy Undersecretary Wimpy Fuentebella, lumang stock pa naman ang ibebenta ngayong araw at dapat ang bagong excise tax ay ipapataw sa importation at hindi sa point of sales.

Ayon pa sa Tax Management Association of the Philippines, ang bagong excise tax rates ay applicable lamang sa mga produktong na-import simula Enero 1, 2018.

Kinumpirma rin ng DOE na may old stock o inventory pa ang oil companies na napatawan ng mas mababang excise tax.