MALUNGKOT ang naging pagtatapos ng taong 2017 para sa Pilipinas, ayon kay Pangulong Duterte. “There were too many deaths in 2017,” sinabi niya nitong Miyerkules sa pulong ng National Risk Reduction and Management Council sa Tubod, Lanao del Norte.

Nagkasunud-sunod ang pagluluksa ng bansa, at napakarami ang nasawi, aniya — mula sa magkasunod na pananalasa ng mga bagyong ‘Urduja’ at ‘Vinta’ hanggang sa pagkatupok ng isang shopping mall sa Davao City. Nagkaroon ng baha at mga pagguho ng lupa, isang fastcraft ang lumubog, at may serye ng aksidente sa lansangan.

Sa buong taon, nagdulot ng matinding dagok ang kampanya ng gobyerno kontra droga sa nasabing kalakalan, gayundin sa mga sinasabing nagsilbing protektor nito, subalit libu-libo rin sa maraming dako ng bansa ang napatay sa mga operasyon kontra droga.

Noong Mayo 12, tinangka ng mga Islamic extremist, sa suporta ng pandaigdigang teroristang grupo na Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) na makapagtatag ng regional caliphate nito sa Pilipinas nang salakayin nito ang Marawi City, na nauwi sa digmaang pumatay sa mahigit 1,000 hanggang sa mabawi ang siyudad noong Oktubre. Nabigo naman ang usapang pangkapayapaan sa mga rebelde, ang New People’s Army ng Communist Party of the Philippines, at muling nagpatuloy ang ilang dekada nang bakbakan.

Kung mayroon mang konsolasyon ang Pilipinas, ito ay ang katotohanang naging madugo rin ang taong ito para sa maraming iba pang bansa sa mundo. Inatake ng mga armadong miyembro o tagasuporta ng ISIS ang Amerika at maraming bansa sa Europa. Nagpatuloy din ang mga labanan sa Syria, Yemen, at iba pang panig ng Gitnang Silangan.

Sa East Asia, ang bahagi natin sa mundo, mayroong matinding pangamba sa pagsiklab ng digmaang nukleyar, matapos na ipagmalaki ng North Korea na mayroon na itong mga nuclear-tipped missile na makaaabot sa alinmang siyudad ng Amerika. Ang isa sa mga test missile na pinakawalan nito ay bumagsak sa sarili nating isla ng Batanes, na nagpapahiwatig na sakaling sumiklab nga ang giyera ay mapapagitna tayo at maaapektuhan. Nagpadala ang Amerika ng mga bomber sa Korean Peninsula habang tatlong carrier-led attack forces ang nakapuwesto na rin sa karagatan sa silangan ng Korea. Sa buong panahong ito, parehong nagbabanta ng digmaan at matinding pagkawasak ang Amerika at North Korea.

Dahil sa lahat ng ito, naging malungkot at malagim ang 2017 para sa Pilipinas at sa iba pang bahagi ng mundo.

Sinabi ni Pangulong Duterte na umaasa siyang mas magiging magandang taon ang 2018 para sa bansa. “I just hope that next year, Allah will be kind enough to bring normalcy to the lives of Filipinos with the fresh year ahead.” Ginamit niya ang salitang Muslim para sa Diyos sa kanyang pagpapahayag sa lahat ng Pilipino — mga Kristiyano, Muslim, at Lumad — ng kanyang inaasam para sa bagong taong parating.

Kaisa tayo sa pag-asam niyang ito at nakikita natin ang dahilan ng kanyang kumpiyansa. Sa kabila ng lahat ng kalamidad, mga aksidente, at ang mga bakbakan ng mga puwersang kriminal at rebelde, nanindigan ang mga Pilipino para sa pamahalaan at lipunan nito. Malaki ang inaasahan natin sa hinaharap dahil na rin sa mga plano ng gobyerno na magtatag ng maraming imprastruktura sa lahat ng panig ng bansa. Idagdag pa ang malawakang suporta sa pambansang liderato na bihirang makita sa mga nakalipas na taon.

Kaya naman buong puso nating sinasalubong ang bagong taong 2018. Kaisa tayo sa pag-asam ng Pangulo, at buong kumpiyansa tayo na ang taong ito ay magiging mainam para sa pagtatayo ng mga imprastruktura, para sa pagbangon mula sa lahat ng kalamidad, likas man o gawa ng tao, at para sa pagsisimulang muli ng mga Pilipino sa lahat ng aspeto.