Sa rehas din magdiriwang ng Bagong Taon ang dalawang Malaysian matapos nilang nakawin ang P10,000 halaga ng iba’t ibang gamit sa isang mall sa Quezon City.
Kinilala ng mga imbestigador ng Quezon City Police District ang mga inarestong dayuhan na sina Abdul Karim Bin Abdul Hamid, 34; at Malathy Peramanathan, 26, kapwa nakatira sa Daisy Street, Sauyo Road, Mindanao Avenue sa Quezon City.
Ayon sa guwardiya ng mall, si Ginalyn Dagdag, napansin niya ang kahina-hinalang aktibidad ng dalawang dayuhan na kapwa naglalakad palabas ng department store.
Nilapitan ni Dagdag ang dalawa at nang ipabukas sa mga ito kani-kanilang bag, aabot sa 12 piraso ng hindi bayad na shirt, dress, at pantaloon ang nakuha.
Agad idiniretso ang dalawa sa security office ng mall para sa dokumentasyon at sa Quezon City General Hospital para sa physical examination.
I-tinurn over ang dalawang Malaysian, na tumanggi sa panayam, sa QCPD Criminal Investigation and Detection Unit.
- Alexandria Dennise San Juan