Sugatan ang dalawang lalaki makaraang saksakin sa magkahiwalay na insidente sa Maynila nitong linggo.
Nitong Sabado ng gabi, nagtamo ng sugat sa balikat ang isang 27-anyos na lalaki habang siya ay nakaupo sa Bonifacio Drive corner Muelle Del Rio sa Intramuros, dakong 9:20 ng gabi nitong Linggo.
Kinilala ni Manila Police District (MPD)-Station 5 duty officer Police Chief Insp. Elmer Oceo ang biktima na si Sonny Cedano, residente ng Gate 6, Barangay 656 sa Intramuros. Samantala, ang suspek, na patuloy na tinutugis, ay kinilala lamang na si alyas Rio, tinatayang nasa edad 30, ng Tondo.
Sinabi ni Oceo na nakaupo lamang si Cedano nang lapitan siya ng suspek at saksakin ng dalawang beses. Sa ikatlong pagtatangka, hinarang ng biktima ang kutsilyo gamit ang kanyang kamay. Agad kumaripas si Rio.
Isinugod si Cedano sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center kung saan siya patuloy na inoobserbahan.
Samantala, naging madugo ang inuman sa Binondo, Maynila nang saksakin si Alex Sicorsicor, 25, residente ng Parola Compound ng suspek na kinilala sa alyas na George, tinatayang nasa edad 24¬-26.
Ayon kay Meisic Police Station chief Police Supt. Amante Daro, nag-iinuman sina Sicorsicor at George sa kahabaan ng Gate 46, Area B, Parola Compound nang bumunot ng patalim ang huli at makailang beses sinaksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan bago tumakas, dakong 1:20 ng madaling araw.
Isinugod si Sicorsicor sa ospital at kasalukuyang nilalapatan ng lunas.
Nagsasagawa na ng follow-up operations sa mga nasabing insidente. - Jaimie Rose Aberia