HABANG nagdiriwang ang sambayanan para sa pagsalubong ng Bagong Taon, sasalagin ni Milan Melindo ang mga bigwas ng karibal na si Ryoichi Tagunchi para makamit ang minimithing tagumpay -- ang maging unified world junior flyweight champion.
Haharapin ng 29-anyos na si Melindo ang beteranong si Taguchi ngayong gabi sa Ota City gymnasium sa Tokyo, Japan.
Matapos ang ilang buwang pagsasanay, tumulak ang grupo ni Melindo sa Cebu-based ALA boxing stable kasama si trainer Edito ‘Ala’ Villamor patungong Japan para sa huling hirit ng paghahanda para sa laban.
Tangan ni Melindo ang International Boxing Federation (IBF) yiyle, habang si Taguchi ang reigning World Boxing Association (WBA) champion.
“Handa na kami. Yung focus niya nakasentro lang sa isa, kaya walang problema,” pahayag ni Villamor, dating pro fighter na nabigyan ng pagkakataon, ngunit nabigo sa world title.
“Yung mga hindi ko inabot, masaya ako at nakuha ni Melindo,” aniya.
Itataya ni Melindo ang markang 37-3, tampok ang 13 KOs.
Si Taguchi ay may record na 26-2-2, na may 12 KOs.