Nina KIER EDISON C. BELLEZA at FER TABOY

CEBU CITY – May 45 araw ang inter-agency task force na mag-iimbestiga sa pagkakatupok ng NCCC Mall sa Davao City, na ikinasawi ng 38 katao, upang isumite ang final report nito kaugnay ng ginagawang pagsisiyasat.

Sinabi ni Bureau of Fire Protection (BFP)-Central Visayas Director Senior Supt. Samuel Tadeo, na namumuno sa Inter-agency Anti-Arson Task Force Composite Team, na ang nasabing direktiba ay galing kay Department of Interior and Local Government (DILG) Officer-in-Charge Catalino Cuy.

Ang task force ay binubuo ng BFP, National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), at Criminal Investigation and Detection Group (DILG).

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

PINAKAMAHUSAY VS ARSON

Marami nang malalaking kaso ng sunog ang nahawakan ni Tadeo, kabilang ang Ozone disco fire sa Quezon City na ikinasawi ng 161 teenager 21 taon na ang nakalipas, at ang pagkatupok ng pabrika ng tsinelas na Kentex sa Valenzuela, kung saan 70 manggagawa ang nasawi noong 2015.

Sa sunog sa NCCC Mall, nasawi ang 37 call center agent at ang safety officer ng establisimyento na si Melvin Gaa.

KASO VS NCCC

Kaugnay nito, sinabi ng BFP na posibleng kasuhan ng reckless imprudence resulting to multiple homicide ang mall sakaling mapatunayang ito ang dapat managot sa insidente.

Napag-alaman sa imbestigasyon na electrical short circuit ang naging dahilan ng malaking sunog, makaraang matukoy ni Senior Supt. Jerry Candido, tagapagsalita ng inter-agency Anti-Arson Task Force ang “bloom development mushroom effect” sa kisame ng ikatlong palapag ng mall.

Lumabas din sa imbestigasyon na walang lumabas na tubig sa water sprinkler sa nasabing palapag dahil walang sprinkler head at sarado rin ang flow control valve, ayon kay Candido.

TULOY ANG SUWELDO

Samantala, inihayag ng pamunuan ng NCCC Mall na walang mawawalan ng trabaho sa mga empleyado nito dahil ia-absorb ang mga apektadong manggagawa sa iba pang operasyon ng mall.

Tiniyak din ng NCCC na patuloy na tatanggap ng suweldo at mga benepisyo ang mga apektadong empleyado. - May ulat ni Yas D. Ocampo