Muling inaresto ang isang Korean, na nakuhanan ng P100,000 halaga ng umano’y shabu kasama ang isang kasabwat na Pinoy nitong Disyembre 26 sa Quezon City, nitong Biyernes ng umaga sa kapareho ring kaso matapos umano nitong takasan ang awtoridad.

Sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) Director Guillermo Eleazar sa Balita na tinakasan ni Jeon Sang, 45, ang kanyang police escorts nitong Disyembre 27 habang isinasagawa ang physical examination sa Quezon City General Hospital, isang araw matapos siyang arestuhin.

Tumakas din ang kasabwat ni Jeon, si Bobby Ortalla, 45, ngunit agad ding naaresto ng awtoridad sa Barangay Old Balara sa manhunt operation, ayon kay Eleazar.

Sinabi ng QCPD Director na agad nagsagawa ng malawakang manhunt operation, sa pakikipagtulungan sa Bureau of Immigration and Deportation at sa Criminal Investigation and Detection Group sa Camp Crame, ang headquarters ng Philippine National Police, laban kay Jeon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Base sa imbestigasyon, isang babaeng operatiba ang inalok ni Sang ng drug session kapalit ng pakikipagtalik. Agad ini-report ng agent ang alok ng dayuhan, at isinagawa ng awtoridad ang operasyon laban sa suspek.

Pumayag ang babaeng agent na makipagkita sa Korean sa overpass sa panulukan ng Commonwealth Avenue at Don Antonio Drive sa Barangay Holy Spirit, malapit sa lugar kung saan siya unang inaresto.

Sa pagsulpot ni Sang sa overpass bandang 11:30 ng umaga, agad siyang dinampot ng awtoridad, ayon kay Eleazar.

Nakuha mula kay Jeon ang tatlong pakete ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P60,000; tatlong disposable syringes na naglalaman ng hinihinalang liquefied shabu. - Gabriel Agcaoili