Mahigit 5,000 barangay sa buong bansa ang idineklara nang drug-free, iniulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa buwanang “#RealNumbers” report nito.
Sa pagtatapos ng 2017, iniulat ng PDEA na 5,072 sa 42,036 na barangay ang idineklara nang drug-free nitong Disyembre 27.
“These barangays have reached drug-cleared status after issuance of a certification by members of the Oversight Committee on Barangay Drug-Clearing Program,” lahad ni PDEA Director General Aaron Aquino.
Ang oversight committee, na pinamumunuan ng PDEA, ay binubuo ng mga kinatawan sa mga lalawigan ng Philippine National Police (PNP), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Health (DoH), at mga local government unit (LGU).
Noong Hunyo, nakatanggap ng pagkilala ang Batanes bilang kauna-unahang lugar sa bansa na idineklarang drug-free.
Sa buwanang ulat ng PDEA na #RealNumbers, sinabi ni Aquino na simula noong Hulyo 2016 hanggang nitong Disyembre 27 ay 170 drug den at siyam na clandestine shabu laboratory na ang nabuwag habang aabot naman sa P19.11 bilyon ang halaga ng iba’t ibang droga na nakumpiska.
Ayon pa sa PDEA, aabot sa 119,023 indibiduwal ang naaresto ng pulisya sa pagkakasangkot sa droga simula Hulyo 2016 hanggang nitong Disyembre 27. Kabilang dito ang 444 mula sa gobyerno.
Aabot naman sa 80,683 anti-illegal drug operation ang naisagawa ng law enforcement agencies sa nasabing panahon.
Hanggang Disyembre 27, nakasaad sa report na 3,968 drug suspect ang napatay at 226 ang nasugatan sa kasagsagan ng mga anti-drug operation. - PNA