HINIKAYAT ni Environment Secretary Roy A. Cimatu ang mga Pilipino na salubungin ang 2018 sa paggamit ng mga alternatibong pampaingay sa halip na mga paputok at mga kuwitis na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan at sa kapaligiran.
Nagbabala si Cimatu na ang paggamit ng mga paputok ay maaaring makaapekto sa mga pagsisikap upang mabawasan ang polusyon sa hangin sa bansa, partikular sa Metro Manila na mataas ang antas ng polusyon sa hangin, kasunod ng pagdiriwang ng Bagong Taon.
“It is about time Filipinos eliminate the use of firecrackers as these do not only cause injuries and fires, but also air pollution, which have long-term effects on human health and the environment,” paliwanag ni Cimatu.
Sa unang oras ng Enero 1, 2017, lahat ng air-quality monitoring station sa Metro Manila ay nagrehistro ng mataas na antas ng particulate matter (PM) 2.5, o particles na mas mababa sa 2.5 micrometers sa diameter.
Ang PM, na kilala bilang particle pollution, ay ang kumplikadong pagsasama-sama ng napakaliliit na particles at likido na nagpapalutang-lutang sa hangin. Sakaling malanghap, maaaring maapektuhan ng particles na ito ang puso at baga ng tao, na magdudulot ng malalang problema sa kalusugan.
Ayon kay Cimatu, mayroong ibang paraan upang ipagdiwang ang Bagong Taon nang hindi gumagamit ng mga delikadong paputok.
Sa halip na gumamit ng mga paputok, hinimok ni Cimatu ang publiko na gumawa ng ingay sa pamamagitan ng pito, rattles, busina ng sasakyan, kampana, at iba pang hindi nakakasakit na bagay, upang maingay na salubungin ang Bagong Taon.
Ipinaalala rin ng environment chief sa publiko ang Executive Order (EO) No. 28 na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong Hunyo na nagbabawal sa paggamit ng paputok at mga kuwitis sa mga bahay o sa mga lugar na matao o malapit sa mga bahay.
Itinatakda ng EO 28 ang paggamit ng mga paputok at kuwitis sa mga “community fireworks display.”
Ayon sa EO, ang community fireworks display ay “conducted under the supervision of a trained person duly licensed by the Philippine National Police.”
Nagbabala ang mga eksperto sa kalusugan na ang mga kemikal na inilalabas ng mga paputok ay nagdudulot ng seryosong panganib sa katawan. Ang mga delikadong particles na ito ay naglalakbay sa baga na sanhi ng pag-ubo, hirap sa paghinga at maaaring maging sanhi ng sakit sa baga. - Department of Environment at Natural Resources