ni Fr. Anton Pascual
MGA Kapanalig, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law o TRAIN Law noong nakaraang linggo. Ito raw ang Pamasko ng kanyang administrasyon sa mga Pilipino, lalo na sa mga sumasahod ng hindi hihigit sa P250,000 kada taon, dahil exempted na rin sila sa pagbabayad ng income tax o ang buwis na ipinapataw sa suweldo. Gaya ng inaasahan, may mga natuwa, ngunit may mga nagtatanong din: tunay nga bang pamasko ang TRAIN? Pamasko nga ba ito para kanino?
Isa ang tax reform sa mga binitiwang pangako ni Pangulong Duterte noong panahon ng kampanya, kaya naging masigasig ang kanyang mga economic managers at mga kakampi sa lehislatura na maisakatuparan ito. At sa pagpasok ng bagong taon, mararamdaman na raw ng mga empleyado ang mas mababang kaltas sa kanilang sahod dahil sa TRAIN.
Gayunman, babawiin ang halagang hindi makukuha sa income tax mula sa dagdag na buwis sa mga sweetened beverages o mga inuming may asukal. Tataasan din ang buwis na ipapataw sa mga produktong petrolyo, na maaari namang gamiting dahilan ng mga operators ng pampublikong sasakyan upang magtaas ng pamasahe. Dadagdagan din ang buwis sa coal na ginagamit naman sa pagpapatakbo ng mgapower plants na gumagawa ng kuryente, at dahil dito, sinasabing magtataas din ang singil sa kuryente.
Pinupuna rin ang TRAIN Law dahil ang mga manggagawa sa formal economy o mga empleyado lamang daw ang makikinabang sa exemption. Samantala, ang mga nasa informal economy (gaya ng mga tindera, drayber, at labandera) na hindi na nga regular ang kinikita sa bawat araw, gagastos pa ng mas malaki sakaling magtaasan ang presyo ng mga produkto, pamasahe, at kuryente. Ang mga minimum wage earners naman, gaya ng mga construction workers, ay dati ng walang income tax kaya hindi rin sila makikinabang sa mas mababang income tax. Ngunit dahil tataas ang buwis ng produktong petrolyo, maaaring tumaas ang pamasahe nila araw-araw habang hindi naman tumataas ang kanilang sahod. Marami sa ating mahihirap na kababayan ang nasa informal economy kaya malaking hamon sa pamahalaang tiyaking hindi lalong mabaón sa hirap ang mahihirap at mapakikinabangan din nila ang batas.
Sa kabilang banda, may ilang magandang probisyon ang TRAIN Law, gaya ng dagdag na buwis sa bagong sasakyan. Maaari itong gamitin ng pamahalaan upang himukin ang ating mga kababayan na huwag nang bumili ng karagdagang sasakyan upang hindi na makadagdag sa trapik. Ngunit kailangan itong tapatan ng pamahalaan ng mabilis na sistema ng pampublikong transportasyon at mas maayos na pangangasiwa ng trapiko, upang ligtas pa ring makapasok sa kanilang trabaho ang mga kababayan nating walang sasakyan.
Kinikilala ng ating Santa Iglesia ang kahalagahan ng pagbubuwis at pampublikong paggasta (o public spending) upang serbisyuhan ang mga mamamayan at palaguin at patatagin ang ekonomiya. Ngunit ang pagbubuwis ay dapat na “just, efficient, and effective”; sa Filipino, makatarungan, mahusay, at mabisa.
Suriin natin ang TRAIN Law: magdudulot ba ito ng pagbubuwis na makatarungan, mahusay, at mabisa? Anu-ano kayang mekanismo ang naiisip ng pamahalaan upang hindi ito maging pabigat sa mamamayan, lalo na sa mahihirap? Sinasabi ng pamahalaang magbibigay ito ng ayuda sa mahihirap upang makaagapay sa anumang magiging epekto ng TRAIN Law, ngunit sapat na nga kaya iyon? Mapakikinabangan ba ng mga kababayan nating nasa malalayong lugar ang mga imprastrukturang ipapatayo gamit ang buwis natin, o mga malalaking negosyo at industriya lamang ang makagagamit ng mga ito?
Mga Kapanalig, napirmahan na ang TRAIN Law, kaya mahalagang bantayan natin ang pagpapatupad nito, hindi lamang ang koleksiyon ng buwis kundi ang paggamit ng pera ng bayan para sa mga mas maayos na serbisyo para sa lahat.
Sumainyo ang katotohanan.