TUMATAGINTING na P5 milyon ang kabuuang papremyo sa ilalargang 4th Pasay ‘The Travel City’ Racing Festival ngayon sa MetroTurf Racing Complex sa Malvar-Tanauan, Batangas.

Magsisimula ang maaksiyong ratsadahan ganap na 12 ng tanghali, tampok ang apat na malalaking Stakes races kasama na ang 9 Trophy Races na inihanda ng Metro Manila Turf Club sa pakikipagtulungan ni Pasay City Mayor Tony Calixto para sa bayang karerista sa pagtatapos ng mga karera ngayong taong ito.

“Isang malaking karangalan para sa MMTC na nasa ikaapat na tayong edisyon nitong pantaunang karera para bigyan ng halaga ang Pasay City bilang isang pinakatampok na lugar sa bansa. Napakaganda ng lineup natin ng mga karera at tiyak na magiging exciting ang isang araw na ito bago tayo magtapos ng taon!” ang sabi ni MMTC chairman at president Dr. Norberto Quisumbing Jr.

Nakatuon ang pansin ng bayang karerista sa 4th Pasay ‘The Travel City’ Cup at 4th Pasay Mayor Tony Calixto Cup na parehong may kabuuang papremyong P700,000 bawat isa, habang ang 3rd Pasay Former Mayor Eduardo “Duay” Calixto Memorial Cup ay may nakahandang 500,000, gayundin ang P1-million Philracom Grand Sprint Championship.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

May anim na kapana-panabik na 2-year-olds races ang nakalinya para maglabanan sa top prize na P420,000 sa 4th Mayor Tony Calixto Cup at ito’y kinabibilangan ng Victorious Filly – Jesse Guce 52; Sweet Dreams – Emilio Camanero Jr. 54; Sheer – Conrad Henson 54; at Hot To Trot – Rey Niu Jr. 52. Ang sesegundo dito’y pagkakalooban ng P157,000 habang ang tersero’t quarto nama’y tatanggap ng P87,500 at P35,000, ayon sa pagkakasunod.

May tatlong imported naman ang opisyal na entries sa 4th Pasay ‘The Travel City’ Cup na meron ding top prize na P420,000 para sa magkakampeon. Ang mga ito ay Atomicseventynine – Rodeo Fernandez 55.5, She’s Incredible – Arnold Asuncion 52, at Backdoor Cover – Jonathan Hernandez 52.

Tumataginting na P300,000 naman ang mapapanalunan ng magkakampeon sa 3rd Pasay Former Mayor Eduardo ‘Duay’ Calixto Memorial Cup na paglalabanan sa distansyang 1,400 meters. Ang mga kalahok dito’y kinabibilangan ng Pinagtipunan, Shoo In, Spectacular Flash, Magatto, Heiress Of Hope, at Our Meteor.

Sa Philracom Grand Sprint Championship, kung saan ang magkakampeon ay mag-uuwi ng P600,000 top prize, ang mga official runners ay kinabibilangan ng Smokin Saturday, Lakan, Song of Songs, at Showtime.

“Labis kaming nagpapasalamat sa pagbibigay ng karangalan sa aming Lungsod ng Pasay sa pamamagitan ng pakarerang ito na ngayon ay masasabi nang isang institusyon sa industriya ng karera. Asahan po ninyo ang aming buong-pusong pagsuporta at pakikilahok sa pantaunang pakarerang ito dito sa MetroTurf Racing Complex,” pahayag ni Quisumbing Jr.

Ang siyam na iba pang mga Trophy Races ang inihanda na merong guaranteed prize na P150,000 at tropeo para sa mananalo habang ang lahat ng winning groom sa Linggo ay pagkakalooban ni Mayor Calixto ng isang sakong bigas bawat isa. Magbibigay din ang Philracom ng karagdagang papremyo para sa lahat ng Trophy Races. May karagdagan ding papremyong ipamimigay ang Philracom sa mga rating-based races kung kaya’t malaking prizes ang mahahakot ng mga mananalo.