SA ganap na 12:00 ng hatinggabi ngayon ay bibigyang-daan ng 2017 ang bagong taong 2018. Marami ang tahimik na mananalangin ng pasasalamat na nakaabot sa puntong ito ng kanilang mga buhay, ang iba pa naman ay magluluksa sa pagpanaw ng mahal sa buhay ngayong taon, at marami ang magpapahayag ng pag-asa at magdadasal na sana’y maging mas maganda ang bagong taon kumpara sa nakalipas.
Gaya sa nakalipas na mga taon, sasalubungin ang bagong taon ng mga paputok at iba pang paglikha ng ingay, na sasabayan ng makukulay at naggagandahang fireworks na magpapaliwanag sa kalangitan. Noong nakaraang taon, sinabi ng Department of Health (DoH) na nagawa nitong makapag-monitor ng kabuuang 524 na pagkasugat dahil sa paputok at fireworks hanggang 6:00 ng umaga noong Enero 2, 2017. Ayon sa DoH, ito ay 40 porsiyentong mas mababa sa bilang ng mga naputukan nang sinusundang taon.
Mayroon ding limang nasugatan sa ligaw na bala sa Metro Manila sa pagsalubong sa 2017. Sa kabila ng paulit-ulit na babala ng pulisya laban sa mga may-ari ng baril na huwag paputukin ang mga ito sa ere upang makapag-ingay sa pagsalubong sa Bagong Taon, patuloy na nakapagtatala ng mga natamaan ng ligaw na bala taun-taon, ang ilan sa mga ito ay dulot mismo ng mga pulis.
Ngayong taon, mayroon nang mga ulat ng nabiktima ng paputok—isang 12-anyos na lalaki sa Pasay City, isang lalaking 62 taong gulang sa Quezon City, isang tauhan ng Philippine Army, at isang siyam na taong gulang na lalaki sa Kalinga. Tunay na mahirap nang baliin ang isang napakatagal nang tradisyon sa kabila ng malinaw namang panganib na idinudulot ng parehong depektibong paputok at walang ingat na paggamit dito ng mga bata at kahit ng hindi na kabataang nagdiriwang ng Bagong Taon.
Ipinalabas ni Pangulong Duterte ngayong taon ang Executive Order (EO) 28 na naglilimita sa paggamit ng malalakas na paputok sa mga itinakdang lugar lamang sa bawat komunidad. Inaanbangan natin kung ang taong ito ay maiiba sa nakalipas na mga taon dahil sa EO 28. Ayon sa mga taun-taong nagbebenta ng paputok sa Bocaue, Bulacan, ngayong taon ay “business as usual”. Walang nagbago sa dagsa ng demand kahit pa umiiral na ang nasabing direktiba ng pangulo.
At ngayong gabi, habang nagbibilang tayo ng mga oras bago maghatinggabi, dapat na gawin natin ang lahat ng pag-iingay upang mapababa ang bilang ng masusugatan sa pagsalubong sa Bagong Taon. Gagawin ng pulisya ang lahat ng makakaya nito upang mapanatili ang kaayusan sa pagsisimula ng maingay na selebrasyon sa bawat sulok ng komunidad. At kakailanganing gawin ng bawat mamamayan ang kanyang bahagi — sa pamamagitan ng maingat na paggamit sa paputok at iiwas ang mga bata na lumapit sa mga sumasabog na paputok, o pananatili sa loob ng bahay upang makaiwas naman sa posibilidad ng ligaw na bala.
Salubungin natin ang Bagong Taon nang buong sigla at puno ng pag-asa at kaligayahan para sa susunod na taong 2018. Gawin natin ito nang buong pag-iingat upang kinabukasan ay harapin natin ang bagong taon nang walang kirot o problema, kundi puspos ng mabubuting pag-asam para sa bagong simula, para sa isang tunay na manigong Bagong Taon.