ni Clemen Bautista
SINASABING ang pamilya ang matibay na pundasyon at huwaran ng pagkakaisa. Sa pagkakaisa, nakasalalay ang magandang bukas ng mga anak sa bawat pamilya. At ang mabuting ina at ama naman ang magsisilbing gabay, huwaran at inspirasyon ng mga anak mula sa pagkabata hanggang sa paglaki.
At sa kasaysayan, ang pamilyang masasabing magandang halimbawa at huwaran ng isang mag-anak ay ang Holy Family o Banal na Pamilya sa Nazareth na binubuo ng Mahal na Birheng Maria, ni San Jose at ni Jesus Christ. Ang pamilyang ito ay nakasentro sa Dakilang Lumikha at ang Diyos ang sentro ng kanilang pagsasama, pag-ibig at pananampalataya.
Sa liturgical calendar ng Simbahan, bilang pagpapahalaga sa Banal na Pamilya, isang linggo matapos ang Pasko ay kasunod na ipinagdiriwang ang Kapistahan ng Banal na Pamilya. Layunin ng pagdiriwang na maging halimbawa ng pagkakaisa at pagmamahalan. Ngayong araw na ito ng Linggo, tampok sa mga Simbahan sa iba’t ibang parokya sa ating bansa ang pagdaraos ng Misa.
Tampok ang isang natatanging panalangin para sa lahat ng mga pamilya. Bahagi ng homily ng mga paring nagmisa ang pagpapahalaga at pagpupugay sa pamilyang Pilipino. Ang panawagan na maging huwaran ang Banal na Pamilya sa Nazareth. Ang Banal na Pamilya ay hindi lamang ‘di pangkaraniwan dahil sa kakaibang paglilihi kay Jesus, kundi dahil Siya’y Anak ng Diyos. Walang alinlangan na ang mga bagay na ito kaya ang Banal na Pamilya ay masasabing talagang natatangi at hindi matutularan.
Sa pagiging mga tao, ang Banal na Pamilya ay masasabing isang karaniwan din o ordinaryong pamilya. Nababatid nila na ang ikinabubuhay ng tao ay dapat sa pawis nila manggagaling o kanilang paghihirapan. Katulad din ng isang karaniwang pamilyang Pilipino, kailangang maghanap-buhay upang mabuhay. Nababatid nila ang mga kahirapan at iba pang pagdurusang nararanasan sa pamumuhay ng tao. Ngunit ang mga ito’y napagtiisan ng Banal na Pamilya sapagkat sila’y nagtitiwala sa Dakilang Panginoon. At ginawa nila ang lahat ng makakaya sa anumang pagkakataon. Ang Banal na Pamilya ay masasabing ‘di pangkaraniwan sa pagkakaroon ng karaniwang buhay.
Bukod sa mga nabanggit, ayon sa isa mga sumulat ng Ebanghelyo, si San Jose ay isang lalaking uliran na sa kabila ng kanyang pinakasalang si Maria ay nagdadalantao, hindi nagpakita ng pagtutol si San Jose matapos sabihin sa kanya ng anghel na nagpakita sa kanya sa panaginip na ang dinadala sa sinapupunan ni Maria ay lalang ng Ispiritu Santo. At si Maria naman, nang sabihin sa kanya ng anghel na si Gabriel na siya ay maglilihi, buong kababang-loob na sumunod din sa sugo ng langit at sumang-ayon na dalhin sa kanyang sinapupunan ang anak ng Diyos na nagkatawang-tao.
Tulad ng maraming Pilipino, ang Mahal na Birheng Maria at si San Jose ay tradisyunal na mga magulang na unang nag-akala na ang kanilang anak na si Jesus ay magiging tulad ng isang masunuring bata.