Ni ELLALYN DE VERA-RUIZ

Nagbabantang maging ganap na bagyo ang namumuong sama ng panahon sa silangan ng Mindanao na posibleng maging unang bagyo sa 2018, at tatawaging 'Agaton' bukas, unang araw ng Bagong Taon.

Sinabi kahapon ni Gener Quitlong, weather forecaster ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nananatili pa ring low pressure area (LPA) ang sama ng panahon sa 1,245 kilometro kahapon ng umaga sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR).

Inaasahang papasok ito sa bansa ngayong Linggo, Disyembre 31.

Human-Interest

Mag-asawang hindi nakapagtapos ng pag-aaral, pinagtapos naman ang 9 na anak!

Ayon kay Quitlong, ang LPA ay may 50 porsiyentong tsansa na maging bagyo bukas, Enero 1 o unang araw ng Bagong Taon, at tatawagin itong Agaton.

Katatapos lamang salantain ng magkasunod na bagyong ‘Urduja’ at ‘Vinta’ ngayong Disyembre, pinayuhan ni Quitlong ang publiko na paghandaan ang bagong bagyo na posibleng tumama sa Eastern Visayas o Eastern Mindanao sa pagitan ng Lunes ng hapon at Martes ng umaga.