Nina ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at LESLIE ANN G. AQUINO
Natutuwa ang Malacañang na positibo ang pananaw ng maraming Pilipino sa papasok na taon, sinabing mayroong sapat na rason para hindi mawalan ng pag-asa.
Ito ay matapos lumutang na 96 porsiyento ng mga Pinoy ang nagsabing sasalubungin nila ang 2018 nang may pag-asa sa halip na pangamba, batay sa huling survey ng Social Weather Stations (SWS) survey na inilabas nitong Biyernes.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, natutuwa ang Malacañang sa positibong resulta, binanggit na pinakamataas ang naitalang 96%.
“The prospects for the future thus look bright. We therefore ask our citizens to help the Administration in laying down the foundation of a prosperous and peaceful nation,” aniya sa pahayag kahapon ng umaga.
Binanggit ng tagapagsalita ni Duterte ang bumubuting ekonomiya at paglaya ng Marawi City mula sa mga teroristang naimpluwensiyahan ng Daesh (Islamic State).
“Indeed, there are reasons to be hopeful,” ani Roque.
Sinabi rin ng opisyal ng Palasyo na makakaasa ang publiko sa 2018 dahil sa implementasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act, na hindi na bubuwisan ang mga kumikita ng P21,000 pababa kada buwan.
Ang naitalang numero ay itinuturing na pinakamataas simula nang unang itanong ng SWS ng katanungan noong 2000. Sa survey sa 1,200 partisipante mula Disyembre 8 hanggang 16, tanging 4% ang nagsabing sasalubungin nila ang Bagong Taon na may takot, ang pinakamababang naitala simula 2011.
Napansin din sa survey ang pagtaas ng pag-asa para sa bagong taon sa lahat ng antas ng pamumuhay, umakyat ng 97% sa classes ABC, 96% sa Class D, at 97% sa E.
MAKIALAM
Umaasa naman ang isang paring Katoliko na magiging mas mulaat ang mata ng mga Pilipino sa mga kaganapan sa lipunan sa susunod na taon.
Sinabi ni Father Jerome Secillano, executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Public Affairs Committee, na ang pagiging “socially aware” ay nangangahulugan na mas may pakialam tayo sa mga nangyayari sa ating kapaligiran.
“I think Filipinos should be more socially aware, more conscious of the issues that are happening,” aniya sa isang panayam.
Ang pagiging socially aware, ayon kay Secillano ay nangangagahulugang magsalita laban sa mga bagay na sa tingin natin ay mali.
“They should actually participate, make their voices known or heard,” aniya.
Hinimok din ng opisyal ng CBCP ang mga Pilipino na salubungin ang Taong 2018 nang may pag-asa at naiibang pananaw.
“Let us welcome the New Year with a different outlook, more hopeful and at the same time we should be more confident that there will be changes, reforms along the way,” aniya.