SAN PABLO CITY, Laguna – Arestado ang tatlong negosyanteng Chinese dahil sa pagbebenta umano ng mga ipinagbabawal na paputok sa Barangay II-C (Uson) sa San Pablo City, Laguna nitong Biyernes.

Kinilala ni San Pablo City Police chief Supt. Vicente Cabatingan ang mga nadakip na sina Qingzhong Chen, 34, may asawa, ng Elcano Street, Binondo, Manila; Zeny Qing, 30, dalaga; at Chen Yanyan, 37 anyos.

Nakumpiska umano ng pulisya mula sa tatlo ang 15 iba’t ibang ilegal na paputok, kabilang ang Eagles King Pacquiao, Ultramaa (Piccolo), siyam na kahon ng Big Sawa, tatlong kahon ng Whistle Bomb, 121 pakete ng Bawang, 22 pakete ng Pop-pop, isang kahon ng Five Star, at iba pa, gayundin ang P1,000 marked money.

Ayon sa pulisya, bandang 4:00 ng umaga nang nakabili umano ang police poseur-buyer ng P1,000 halaga ng paputok mula kay Chen, kaya isinagawa kaagad ang pagdakip sa grupo nito.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Samantala, aabot naman sa 40 kahon ng ilegal na paputok ang nasamsam ng mga awtoridad sa Tarlac City kahapon.

Sa pangunguna ni Tarlac City Police chief Supt. Bayani Razalan, mga kinatawan ng Office of the Mayor, at Bureau of Fire Protection (BFP)-Tarlac, narekober ang 40 kahon ng imported firecrackers sa bodega sa F. Tanedo St. sa Bgy. Poblacion, Tarlac City, na pag-aari ni Nelson S. Lee, nasa hustong gulang, ng nasabing lugar.

Nabatid sa imbestigasyon na walang kaukulang permiso si Lee upang magbenta ng malalakas na paputok. - Danny Estacio at Leandro Alborote