Ni Ric Valmonte

“IGINAGALANG ko ang pasya ng Pangulo na italaga si Faeldon, pero nais kong maintindihan niya na ang taong ito ay hindi naging epektibo sa BoC (Bureau of Customs] at siya ang pangunahing responsable sa kawalan ng sistema para mapigil ang illegal drugs na pumasok ng bansa sa ating pantalan,” sabi ni Sen. Win Gatchalian.

Hinirang kasi ni Pangulong Duterte si Nicanor Faeldon kamakailan bilang Deputy Administrator III ng Office of Civil Defense na nasa ilalim ng Department of National Defense. Inihabla ng Philippine Drug Enforcement Agency si Faeldon, nang ito ay Commissioner ng BoC, kasama ang kapwa niya opisyal na sina Gerardo Gambala at Milo Maestrecampo kaugnay ng napakalaking shipment ng shabu na nagkakahalaga ng P6.4 bilyon na naipuslit sa pantalan. Pero, ibinasura ng Department of Justice ang kaso laban sa kanila. Tulad ni Faeldon, inilipat lang sina Gambala at Maestrecampo sa mataas na posisyon sa Department of Transportation.

Sa panahon na ang BoC ay nasa pamamahala nina Faeldon, Gambala at Maestrecampo, iyong dalawang bagay na ipinangako ng Pangulo na kanyang susugpuin ay naganap dito: ang illegal drugs at corruption. Ayon kay Mike Taguba, nagbayad siya ng P4 milyon bilang enrollment fee sa Davao Group na nagpapalusot ng kargamento sa BoC. Bukod dito, siya at ang iba pang negosyante ay nagbabayad ng P17,000 bawat kargamento na lalabas sa pantalan. Si Faeldon ay gumawa ng sistema para maluwag na makalabas ang mga kargamento. Ang mga kargamentong itatalaga niya sa green lane ay lalabas sa BoC nang hindi na sinisiyasat. Kaya, iyong paratang ni Sen. Gatchalian na hindi angkop sa posisyon si Faeldon bilang BOC Commissioner dahil sa kawalan ito ng sistema para mapigil sa pagpasok ng droga sa bansa ay paggalang lamang sa pasya ng Pangulo sa pagtalaga kay Faeldon sa bagong posisyon. May ginawa itong sistema, ayon sa resulta ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, kaya naipuslit ang P6.4 bilyon halaga ng shabu na natunton sa isang warehouse sa Valenzuela City. Ang shipment na ito ay nagdaan sa green lane kaya maluwag na nakapasok sa bansa dahil hindi na ito nirekesa.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Kung bakit napakalakas ng loob ni Faeldon na gawin ang sistemang nagpalabas ng napakalaking halaga ng shabu sa BoC ay dahil nga, ayon kay Taguba, may ibinabayad ang mga negosyante sa bawat shipment. Mayroon pa nga siyang ibinayad na enrollment fee sa Davao Group. Napakalakas ng tinulungan ng kanyang sistema. Kaya, naabsuwelto siya at ang kanyang kasama sa kasong isinampa laban sa kanila ng PDEA sa DoJ kaugnay ng shabu shipment. Nahirang pa sila sa iba’t ibang posisyon. Ang paliwanag dito ni Sen. Trillanes ay, “Alam ni Faeldon ang mga madilim na sekreto ng pamilya Duterte, kaya kahit hindi siya angkop sa posisyon, nanatili siyang sacred cow”.