Ni PNA
PINAALALAHANAN ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Teodoro Pascua ang publiko na maging maingat sa pamimili online.
Hinimok ni Pascua ang mga mamimili na maging alerto sa mga kahina-hinala sa pekeng online stores at phishing sites na maaaring paraan lamang upang ma-hack ang mga personal na impormasyon ng mga mamimili.
“We cannot deny the fact that technology created a more advanced environment where consumers now take part in digital transactions,” sabi ni Pascua. “So we encourage the buying public to be wiser and more alert in order not be taken advantage of by unscrupulous online sellers.”
Kaugnay nito, naglabas ang kagawaran ng safety tips sa pamimili online, kabilang ang:
*I-check ang website kung mayroong Secured Socket Layer (SSL) certificate. Ito ang nagbibigay ng proteksiyon sa mahahalagang personal na impormasyon — tulad ng credit card number, address, at password — na ipinadadala sa website;
*Tiyaking may lock icon sa address bar upang makumpirmang lehitimo ang website;
*I-check ang Uniform Resource Locator (URL) sa unang bahagi ng website address;
*Kapag nagbibigay ng personal address, tiyaking ang URL ay nagsisimula sa “https://”; at
*Silipin ang mga review na ipinaskil ng mga naunang kustomer
Sinabi rin ng DTI na mas mainam na piliin ang Cash on Delivery (COD) sa pagbabayad upang hindi na kailangan pang ibahagi online ang mga detalye tungkol sa bank o credit account.
Nagbabala rin ang DTI sa publiko laban sa mga pekeng website na nagtatangkang magkaroon ng access sa personal data ng mamimili.
Mahalaga ring alamin ng mga mamimili ang mga dokumentong gaya ng rehistro sa DTI, sa Securities and Exchange Commission, sa Bureau of Internal Revenue, business permit, sales invoice o resibo, at kung may lisensiya ng Food and Drug Administration ang nagbebenta.