Magbibigay ng libreng sakay ang Light Rail Transit (LRT)-Line 1 sa Lunes, unang araw ng 2018.
Inihayag kahapon ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) na libre ang sakay sa LRT-1 sa peak hours sa Lunes.
Simula 7:00 ng umaga hanggang 9:00 ng umaga at simula 5:00 ng hapon hanggang 7:00 ng gabi sa Lunes ay magagamit ng mga beepTM stored value card (SVC) holder ang kanilang card para makasakay nang libre sa LRT-1 nang hindi nababawasan ang kanilang load.
Didiretso na sa entry gates ang mga SVC holder at i-tap ang card para makapasok. Kahit ang zero na ang load ay maaari ring mag-tap-in dahil wala namang pasahe na babawasin sa card.
Ang mga single journey ticket (SJT) holder naman ay bibigyan ng card na may zero fare amount, na hihingiin sa teller booth.
Hindi rin magbebenta ng SJT sa mga ticket vending machine (TVM) sa peak hours sa Lunes habang libre ang sakay na ipinagkakaloob ng LRT-1.
Ang LRT-1 ay bumibiyahe simula sa Roosevelt sa Quezon City hanggang sa Baclaran sa Parañaque.