Ni Celo Lagmay

SA aking halos walong dekada nang pamumuhay sa planetang ito, wala pa akong nasaksihang pagkakataon na ganap na naipagbawal ang pagpapaputok ng mga rebentador, lalo na ang pagpapailaw ng mga fireworks. Ang ganitong mga eksena ay naging bahagi na ng ating mayamang kultura na kailangang pahalagahan tuwing ipinagdiriwang ang Pasko at Bagong Taon.

Maaaring taliwas ang aking pananaw sa mga nagsusulong ng ganap na pagbabawal sa pagpapaputok ng halos lahat ng uri ng rebentador. Subalit halos imposibleng patayin, wika nga, ang isang kalinangang nakagisnan natin.

Pinatutunayan ng mga estadistika na pinalabas ng Department of Health (DoH) na sa mula’t mula pa laging may isinusugod sa mga ospital na matitigas ang ulo na walang patumangga sa pagpapasabog ng mga rebentador. May napuputulan ng mga daliri, sumasabog ang mga laman, may kamuntik nang mabulag, at iba pang kapinsalaan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Walang habas ang ganitong mistulang pagpapatiwakal ng ilang kababayan nating nahirati na sa gayong mapanganib na pagsalubong sa pagpapalit ng taon. Isipin na hindi miminsang ipinakikita ng DoH sa telebisyon ang mga instrumento na tulad ng panglagare sa buto ng nasabugan ng paputok, at iba pang medical gadget na panakot sa mga hindi maawat sa pagpapaputok.

Noon, may mga panukala pa na ipasara ang mga pabrika ng mga paputok. Dangan nga lamang at ang ganitong plano ay hindi umusad sapagkat isa itong pagpatay sa isang industriya na ikinabubuhay ng milyun-milyon nating mga kababayan. Isa pa, kahit ipasara ang naturang mga pabrika, naglipana naman ang mga rebentador na nanggagaling sa ibang bansa, tulad ng China. Ang ganitong sistema ay pinagpipistahan ng mga smuggler na sinasabing kakutsaba ng ilang makapangyarihan sa lipunan.

Naniniwala ako na masyadong matindi ang panganib na likha ng walang habas na pagpapaputok, kabilang na ang wala ring habas na pagpapaputok ng baril ng ilang pulis at iba pang alagad ng batas. Maraming may mga isip-pulbura na tila mga sugapa sa droga kung hindi nakakalabit ang gatilyo ng kanilang baril, tulad ng iniulat kamakalawa.

Sa kabila ng Executive Order No. 28 na nilagdaan ni Pangulong Duterte, hindi nagbabago ang aking paniniwala na ganap na masusugpo ang katigasan ng ulo ng ating mga kababayang lulong na sa pagpapaputok. Ang pagtatakda, halimbawa, ng community firecracker center ay ipinagkibit-balikat ng marami, lalo na ng mga Intsik na naniniwala na kailangang pasabugin nila ang mga rebentador sa harap ng kanilang bahay upang maitaboy ang masasamang ispirito.

May lohika ang utos ng Pangulo, lalo na kung iisipin ang panganib na bunsod ng pagpapaputok. Totoong nasugpo ito sa kanyang siyudad sa Davao City. Mahirap paniwalaan na ito ay magaganap sa buong bansa.

Ibayong pag-iingat na lang ang kailangan sa pagsalubong sa Bagong Taon.