Ni FER TABOY

Sumuko sa pulisya ang lalaki na pangunahing suspek sa pagpatay sa mag-ina ng isang seaman sa General Trias, Cavite nitong Disyembre 11, 2017.

Kinasuhan na ng double murder ang suspek na kinilalang si Ruel Galvan Cabatingan, sa korte sa General Trias.

Probinsya

Magkakaibang parte ng katawan ng tao, natagpuan sa Marilaque Highway

Nabatid na kusang sumuko kamakailan sa Eastern Samar Police Provincial Office (ESPPO) si Cabatingan at inamin umano na siya ang pumatay sa mag-inang Ruby Gamos at Shaniah Nicole Gamos, pitong taong gulang.

Ayon kay Senior Supt. William Segun, hepe ng Cavite Police, ipinagtapat umano ni Cabatingan na mayroon silang relasyon ni Ruby.

Gayunman, sinabi ni Senior Supt. Segun na hindi pa rin malinaw kung bakit pinatay ng suspek ang mag-ina.

Nabatid pa kay Senior Supt. Segun na matapos ang krimen ay nagtago si Cabatingan sa mga kaanak nito sa Eastern Samar.

Nangyari ang krimen habang nasa United Arab Emirates (UAE) ang asawa ni Ruby na si Marlon Gamos, isang seaman.

Batay naman sa salaysay ng mga kapitbahay sa pulisya, madalas umano nilang nakikita si Cabatingan sa bahay ng mga Gamos.