Nina JUN FABON at BELLA GAMOTEA

Arestado ang dalawang lalaki at isang babae sa entrapment operation ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD), dahil sa pagbebenta ng mga ilegal na paputok sa Internet kamakalawa.

Sa report kay QCPD director Police Chief Superintendent Guillermo Lorenzo T. Eleazar, kinilala ang mga inaresto na sina Maria Celeste Lingad, 38; Alvin Abainza, 38; at Danilo Tupas, 41, na pawang inaresto sa isang food chain sa Mindanao Avenue corner Congressional Avenue ng nasabing lungsod, dakong 7:53 ng gabi.

Ayon kay Supt. Rogart Campo, ng QCPD-District Special Operations Unit, ikinasa nila ang entrapment operation nang malaman ang bentahan ng mga ilegal na paputok sa Internet.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Isang police asset ang nagkunwaring customer at nagkasundong magkita sa isang food chain para makuha ang order.

Nang iabot ng mga suspek ang mga ilegal na paputok sa asset, agad silang dinamba ng awtoridad.

Nakumpiska mula sa sasakyan ng mga suspek ang paputok na sawa, judas belt, whistle bomb, trianggulo at iba pang ilegal na paputok na tinatayang nasa kabuuang P100,000 ang halaga.

Samantala, sa Pasay City, aabot 100 piraso ng piccolo at pop-pop ang nakumpiska sa katimugang bahagi ng Metro Manila, iniulat kahapon ng Southern Police District (SPD).

Ayon kay SPD Spokesperson, Supt. Jenny Tecson, ang mga nasabing paputok, na nagkakahalaga ng P1,100, ay nakumpiska sa iba’t ibang lugar sa Pasay City simula nitong Disyembre 16 hanggang Disyembre 28.