TUMITINDI ang economic sanctions ng United Nations (UN) laban sa North Korea sa nakalipas na mga taon, subalit mistulang wala itong malaking epekto sa palabang rehimen ng Pyongyang.
Sa huling sanctions na inaprubahan ng UN Security Council nitong Biyernes, hinarang ang halos 90 porsiyento ng petrolyong iniluluwas sa North Korea, nilimitahan ang pagluluwas ng crude oil ng bansa sa apat na milyong bariles kada taon, at nanawagan sa iba’t ibang bansa na ihinto na ang pagkakaloob ng trabaho sa mga North Korean overseas worker.
Sakaling tumalima ang mga kinauukulang bansa sa nasabing sanctions, mapagkakaitan ang North Korea ng pondong kinakailangan nito para sa mga armas nitong nukleyar at pagsasagawa ng mga ballistic missile test. Hindi rin sasapat ang kita nito, maging para sa pangangailangan sa pagkain at kabuhayan ng mamamayan nito.
Ito ang dahilan kaya inihayag ng foreign ministry ng North Korea na ang bagong UN resolution ay katumbas ng ganap na pagharang sa mga aktibidad na pang-ekonomiya ng bansa. Isa itong “grave infringement on the sovereignty of our republic,” ayon sa North Korea, at “an act of war violating peace and stability in the Korean peninsula and the region.”
Dati nang nagpalabas ng mga galit na pahayag ang North Korea. Paulit-ulit din nitong iginiit na ang mga nuclear-tipped missile nito ay maaaring umabot sa alinmang bahagi ng Amerika. Nagawa nitong maipagpatuloy ang pakikipagkalakalan sa ibang mga bansa, sapat upang manatiling matatag ang pamahalaan nito. Posibleng magsagawa ito ng panibagong mga test at ulitin ang mga agresibo nitong pagbabanta laban sa Amerika.
Ang bagong anggulo sa sitwasyon ay ang pagpapakita ni US President Trump sa Gitnang Silangan ng kakayahan niyang ipag-utos sa mga barkong pandigma ng Amerika na magpaulan ng missile sa mga kaaway. Inatasan niya ang tatlong aircraft carrier ng Amerika, bawat isa ay may sariling attack force na may ilang missile-armed destroyer, na pumuwesto malapit sa Korean Peninsula para sa mga war exercises kasama ang Japan at South Korea.
Hangad ngayon ng China at Russia na mamagitan sa away ng Amerika at North Korea. Isa itong mahirap na misyon dahil kapwa tumatangging maging diplomatiko sina Trump at Kim Jong Un. Sinabi naman ni Chinese President Xi Jinping nitong Martes na hindi kabilang sa mga pinagpipilian ang digmaan. Ang lahat ng hindi pinagkakasunduan ay dapat na resolbahin sa pamamagitan ng dayalogo at konsultasyon, aniya. Apat na hindi sumiklab ang digmaan, dahil tatampukan ito ng palitang ng pag-atakeng nukleyar at ang alinmang giyera ay natural lamang na mandamay ng iba pang mga bansa, inaasahan nang wawasakin maging ang mga kalapit ng nag-aaway na bansa, kabilang ang China, Japan, at South Korea, at — ang pinangangambahan natin — maging ang Pilipinas at ang iba pang bansa sa Timog-Silangang Asya.