Ni Fer Taboy
Patay ang isang binata habang sugatan naman ang lolo nito makaraang masabugan ng bomba na itinanim umano ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa bayan ng Ampatuan sa Maguindanao, iniulat kahapon.
Kinilala ni Senior Supt. Agustin Tello, director ng Maguindanao Police Provincial Office (MPPO), ang nasawing si Diego Dagadas, 24, binata; habang sugatan naman si Bada Dagadas, kapwa taga-Sitio Perez, Barangay Maitumaig, Ampatuan, Maguindanao.
Ayon sa report na tinanggap ni Senior Supt. Tello mula sa Ampatuan Municipal Police, naglalakad ang maglolo patungo sa kanilang sakahan nang sumabog ang isang landmine.
Dahil sa lakas ng pagsabog, nagkalasug-lasog ang katawan ng nakababatang Dagadas at kaagad na namatay, habang sa likod naman nasugatan ang matanda.
Nauna rito, sinunog umano ng BIFF ang apat na bahay ng mga katutubong Teduray sa kaparehong lugar.