Ni Kier Edison C. Belleza
CEBU CITY – Nasa 19 bata na nabakunahan ng Dengvaxia ngayong taon ang naospital at kalaunan ay nagkaroon ng dengue simula nitong Disyembre 1, ayon sa Department of Health (DoH)-Region 7.
Ayon kay DoH Regional Director Jaime Bernadas, sa kabuuang bilang, 18 sa mga pasyente ang gumaling na at nakalabas na rin sa ospital.
Sinabi ni Bernadas na hindi dahil walang nagkaroon ng severe dengue sa mga batang nabakunahan ay hindi na sila magsasagawa ng masusing monitoring.
“We are still on a heightened surveillance… Expectedly, there would still be active dengue infection in our post-vaccination since it was only the first dose but the [vaccinated] children are constantly being monitored,” aniya.
Sinabi ni Bernadas na masusing nakikipag-ugnayan ang DoH-7 sa mga pribadong health center upang matiyak na lahat ng dadapuan ng dengue sa rehiyon ay mabibigyan ng sapat na gamutan.
Batay sa datos ng DoH, mayroong 161,624 edad siyam hanggang 14 sa Cebu ang tumanggap ng unang dose ng Dengvaxia sa community-based dengue immunization program ng kagawaran.
“We have completed profiling of around 80 to 90 percent of the 161,624 children,” ani Bernadas.