Ni Leandro Alborote
CAMP MACABULOS, Tarlac City – Pinasok at ninakaw ng isang binatilyo ang P40,000 halaga ng gadgets mula sa isang bahay sa Barangay Mabilog, Concepcion, Tarlac, kahapon ng umaga.
Labimpitong taong gulang lamang ang suspek, na namukhaan ng biktimang si Rowena Nuqui, 45, may asawa, kapwa residente sa nasabing barangay.
Tinangay ng suspek ang tatlong Samsung touch screen mobile phone at tatlong tablets na aabot sa mahigit P40,000 ang kabuuang halaga.
Dakong 2:30 ng umaga nang maramdaman ni Nuqui na may magnanakaw na pumasok sa kanilang bahay at nakita pa umano niyang naghahalughog ang binatilyo, pero pinili niyang magtulug-tulugan upang hindi masaktan.