MAYROONG legal at medikal na usapin sa kontrobersiya tungkol sa bakuna kontra dengue, at parehong dapat na maresolba ang mga ito sa lalong madaling panahon.
Gaya ng maraming kasong legal sa bansa, ang graft na inihain ng Gabriela at ng mga magulang ng mahigit 70 batang nabakunahan ay aabutin ng ilang taon bago madesisyunan. Ang mga akusado ay pinangungunahan nina dating Pangulong Benigno S. Aquino III, dating Health Secretary Janette Garin, dating Budget and Management Secretary Florencio Abad, at dating Executive Secretary Paquito Ochoa. Kinasuhan din ang mga opisyal ng Sanofi Pasteur, ang kumpanyang Pranses na nagbenta ng bakuna.
Sa kanyang testimonya sa Senate Blue Ribbon Committee ngayong buwan, sinabi ni dating Pangulong Aquino na inaksiyunan lamang niya ang banta ng dengue at wala siyang natanggap na pagtutol o walang kumontra sa planong mass vaccination nang mga panahong iyon. Sinabi ng mga kritiko na nabigo siyang magkaroon ng wastong pasya sa usapin, kaya naman nalalagay ngayon sa panganib ang libu-libong bata na nabakunahan ng Dengvaxia.
Ang pangunahing ikinababahala sa ngayon ay ang magiging kahihinatnan ng mga batang mag-aaral na ito. Kamakailan lamang inihayag ng Sanofi Pasteur ang mga resulta ng pag-aaral na nagkakaloob lang ng proteksiyon ang bakuna sa mga dati nang dinapuan ng dengue, subalit maaaring magdulot ng panganib sa mga nabakunahan na hindi pa nagkaroon ng nasabing sakit.
Kaagad na ipinatigil ng DoH ang school vaccination program kasunod ng naturang pahayag ng Sanofi. Bumuo ang kagawaran ng task force upang magsagawa ng monitoring at tutukan ang mga pangangailangang pangkalusugan ng mga nabakunahan.
Bilang suporta rito, dumulog din ang Gabriela sa Korte Suprema ang hiniling ditong obligahin ang mga opisyal na sangkot sa kontrobersiya na magkaloob ng libreng serbisyong medikal at gamutan sa lahat ng batang nabakunahan na nangangailangan nito.
Mauunawaan ng bawat magulang ang pangamba niyong ang mga anak ay kabilang sa 800,000 nabakunahan ng Dengvaxia, dahil na rin sa direktang pahayag ng Sanofi na ang mga hindi pa nagkaroon ng dengue ay delikado sa ‘severe dengue’. Ayon sa mga paunang ulat, 997 sa 800,000 nabakunahan ay nagkasakit makaraang maturukan at apat ang nasawi sa Bulacan at Bataan.
Tama lamang na pagkalooban ng lahat ng kinakailangang tulong ang mga nabakunahang bata. Tiyak na may listahan ang DoH at Department of Education ng mga batang ito. Hindi na dapat pang hintayin ng gobyerno na mismong ang mga magulang ng mga batang ito ang humingi ng tulong sa mga ospital o klinika. Dapat hanapin ang mga batang nabakunahan, subaybayan ang kanilang kondisyon, at kaagad na pagkalooban ng tulong medikal kung kinakailangan.
Ang kasong graft na kinasasangkutan ng paggastos ng P3.5 bilyon sa bakuna nang hindi pinaglaanan sa pambansang budget at walang normal bidding ay dadaan sa napakahabang proseso ng paglilitis. Subalit ang pagkakaloob ng tulong medikal ay hindi na kakailanganin ng anumang direktiba o desisyong legal. Marapat na agaran itong ipagkaloob bago pa man magkaroon ng anumang bagong sakit o — huwag naman sanang ipahintulot ng Diyos — ng panibagong pagkamatay sa 800,000 mag-aaral na nabakunahan.