Ni MARTIN A. SADONGDONG

Nataranta ang mga mamimili sa isang shopping center sa Taguig City matapos magliyab ang parol at masunog ang mga tindahan ng mga damit sa mismong Araw ng Pasko.

Ayon kay Fire Officer 2 Maricel Jelhany, ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Taguig, nagsimula ang sunog sa loob ng Activity Center of Market! Market! Mall, dakong 7:45 ng gabi.

“Naapula naman ‘yung sunog agad dahil may mga fire extinguishers naman po sa area. Medyo nagkagulo lang at nagka-stampede dahil nag-panic ‘yung mga tao,” sabi ni Jelhany.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Dalawang indibiduwal ang sugatan sa stampede at inalalayan ng medical team ng Market! Market! Mall, dagdag ni Jelhany.

Inaalam na ang sanhi ng sunog, ngunit sinabi ni Jelhany ito ay dahil sa nag-overheat na parol.

“Iyon po ang tinitignan (electric) pero nandoon po today ang mga imbestigador sa area para ma-verify,” sabi niya.

Sa isang video na kuha ni Caesar Pagulayan, Jr., mamimili, unang umusok ang parol hanggang sa ito ay nasunog.

Nahulog ang parol sa gitna ng tindahan ng mga damit sa gitna ng mall, hanggang sa nataranta ang mga mamimili.

Pansamantalang itinigil ang serbisyo ng mall upang linisin ang pinangyarihan, bago ito nagbukas makalipas ang isang oras.