Ni ERWIN BELEO, at ulat ni Rommel P. Tabbad

BAUANG, La Union – Umaapela sa pamahalaang bayan ng Bauang ng tulong pinansiyal para pampalibing ang mga nagluluksang kaanak ng 20 nasawi sa banggaan ng isang bus at isang jeepney sa Barangay San Jose Sur sa Agoo, La Union nitong Pasko.

Ayon kay Marivic Bulacan, chairwoman ng Bgy. Pilar, Bauang, nasa punerarya pa rin ang mga labi ng 20 nasawi, pero kinakailangan ng tulong sa gastusin sa pagpapalibing sa mga ito.

Nakapanayam naman ng Balita ang siyam sa 29 na nakaligtas sa aksidente, habang naka-confine sa surgical ward sa Ilocos Training Regional Medical Center (ITRMC) sa San Fernando City, La Union.

Probinsya

15-anyos na dalagita, patay matapos umanong gahasain ng 13 lalaki

Nabalian ng mga braso at binti at ginagamot ngayon sa ITRMC, sinabi ni Chita Cabradilla, 42, na nawalan siya ng malay makaraang sumalpok ang sinasakyan nilang jeep sa isang humaharurot na bus.

Patungo ang jeep sa simbahan sa Manaoag, Pangasinan upang dumalo ng misa nang mangyari ang aksidente pasado 3:00 ng umaga nitong Pasko, ayon kay Cabradilla.

“Nung ako’y nagkamulat sa pagkahilo, napansin ko na lang ang mga kasamahan ko, mukhang patay na sa dami ng mga sugat, dugo, at mga nakahandusay sa jeep. Napansin ko na lang, kaharap namin ‘yung bus. At di ko napansin, naipit ako sa ekstrang gulong sa loob ng sasakyan,” kuwento ni Cabradilla.

WALANG TUMULONG

Ayon sa isa pang survivor na si Ronald Cabueñas, 33, na nagtamo rin ng mga bali sa katawan, na humihingi sila ng saklolo sa mga nag-uusyoso sa aksidente, pero pinagmasdan lamang umano sila ng mga ito, hanggang sa dumating ang mga pulis at rescuer.

Sa kabila ng nangyari, sinabi ni Cabueñas na masaya siya dahil masuwerteng nakaligtas siya, gayundin ang kanyang misis.

Samantala, nahaharap sa patung-patong na kasong kriminal ang driver ng Partas Bus na si Rodel Sadac, taga-Cabugao, Ilocos Sur.

Ayon kay Senior Insp. Eugene Balagot, deputy chief ng Agoo Police, inihahanda na ang mga kasong reckless imprudence resulting in multiple homicides and damage to property and physical injury laban kay Sadac, na nakapiit na ngayon.

PARTAS BUS SUSUSPENDIHIN

Kaugnay nito, sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mapipilitan silang suspendihin ang prangkisa ng Partas Bus company kung magmamatigas itong hindi ibigay sa ahensiya ang dash cam card at global positioning system (GPS) data ng bus na minaneho ni Sadac.

Ayon kay LTFRB Board Member Aileen Lizada, tagapagsalita ng ahensiya, importante sa kanila ang GPS date upang matukoy ang speed ng bus nang mangyari ang aksidente.

Una nang pinalugitan ng LTFRB ang Partas Bus ng 24-oras (hanggang kahapon, Disyembre 26) upang ibigay sa kanila ang mga hinihingi nilang impormasyon.

Samantala, sinabi ni Senior Insp. Balagot na hinihintay pa ng pulisya ang resulta ng awtopsiya kay Roland Perez, driver ng jeep, kung nakainom ba ito nang mangyari ang aksidente.