Ni Dave M. Veridiano, E.E.

SINASALUDUHAN ng masang Pilipino si Supt. Arthur Masungsong na itinaya ang kanyang buhay hanggang sa huling sandali sa pagtupad sa kanyang sinumpaang tungkulin bilang pinuno ng Anti-Kidnapping Group (AKG) sa Bulacan.

Napatay si Supt. Masungsong sa isang rescue operation, na personal niyang pinangunahan, noong Sabado ng madaling araw. Sa naturang operasyon ay apat na hinihinalang miyembro ng isang kidnap-for-ransom group, na aktibong nag-ooperate sa buong Luzon, ang napatay ng mga pulis. Naganap ang bakbakan sa Angat, Bulacan at ligtas na nai-rescue ang kidnap-victim na si Raziel Esguerra, 27, dalaga, na ayon sa report ay dinukot sa bahay niya sa Biñan City sa Laguna nitong Biyernes ng madaling araw at ipinatutubos ng P15 milyon.

Nasugatan din sa bakbakan si Chief Insp. Reynaldo Lumactod, na nakatalaga rin sa AKG - Police Regional Office (PRO) - 3, isang “junior police officer” na kasama at pinagtiwalaan ni Masungsong sa maselang trabahong ito. Naitakbo naman agad ang sugatang si Lumactod sa Chinese General Hospital kung saan siya ngayon nagpapagaling.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa tagal ko nang humahabol sa mga balitang maaksiyon na tulad nito, bihirang-bihira akong makakita ng opisyal na tulad si Masungsong na bagamat isa nang matatawag na “senior police officer” ay lumalabas sa kanyang air-conditioned room upang manguna at samahan ang kanyang mga tauhan sa operasyong napaka-delikado.

Kadalasan, maraming opisyal ng Philippine National Police (PNP) na kapag tumuntong na sa mataas na puwesto ay nagkakadaga sa dibdib na sumama sa operasyon ng kanyang mga tauhan, dahil baka mabulilyaso pa nga naman ang pangarap nitong maging “star-ranked officer” kapag nadisgrasya sa labanan…Kaya kadalasan waiting na lang ito sa anumang good or bad news sa loob ng kanyang opisina sa kampo.

Depensa ng ilang pulis sa kampo at presinto, na ang ganitong opisyal ay dapat lang naman na mag-ingat din dahil sila naman umano ang nag-iisip at nagpaplano sa trabaho – sa aking palagay ay medyo tama naman ito ngunit mas hanga pa rin ako sa opisyal na kahit minsan lang ay sumasama sa operasyon ng kanyang mga tauhan upang bigyan ng “morale booster” ang mga ito at ganahang magtrabaho. ‘Yung iba kasi, kadalasan, kapag nagpositibo na ang trabaho at naging maganda ang takbo, saka pumapapel nang todo sa harap ng mga taga-media kaya aakalaing siya mismo ang personal na nanguna sa operasyon!

Mabibilang ko lang sa daliri ang mga opisyal na tulad ni Masungsong – sa loob ng tatlong dekada kong pagko-cover sa police beat, ilan lamang ang nasamahan kong opisyal na tulad niya sa mga piling operasyon, at masasabi kong lahat sila nagretirong nakataas ang ulo dahil sa pagiging maprinsipyo…Sayang at... nalagasan ang PNP ng isang opisyal na tulad ni Masungsong.

Ngunit kahit papaano ay nakatititayak akong may magpapatuloy sa mga yapak ng magiting na si Masungsong – buhay at nagpapalakas na si Lumactod na sa tingin ko’y lalong tatapang sa sugat na kanyang tinamo sa bakbakan…MABUHAY ka sampu ng iyong mga kasama sa naturang matagumpay ngunit madugong labanan!

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]