Ni PNA

AABOT sa kabuuang 936 na katao ang nakumpirmang may Human Immunodeficiency Virus (HIV) noong Setyembre, iniulat ng Epidemiology Bureau ng Department of Health (DoH).

Sa bilang, 806 ang hindi nagpakita ng anumang sintomas ng HIV, 130 ang mayroon nang Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS), at 40 ang namatay dahil sa naturang sakit, ayon sa pinakabagong ulat ng HIV/AIDS and ART Registry of the Philippines (HARP).

Sa 936 kaso ng HIV/AIDS, 904 ang lalaki at 32 ang babae, at lima ang buntis. Ang average nilang edad ay 28. Kalahati ng bilang, o 469 ang kabilang sa edad na 25 hanggang 34, at 31 porsiyento o 286 ang nasa edad 15 hanggang 24. May kabuuang 40 kabataan ang iniulat ng HARP.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa 40 nagkaroon ng sakit, 18 ang nasa edad 25-34; 15 ang kabilang sa edad 35 hanggang 49; lima ang 15 hanggang 24 na taong gulang; at dalawa ang mahigit 50 anyos.

May kabuuang 908 ang nahawahan ng virus sa pamamagitan ng pakikipagtalik, 87 porsiyento o 548 ang nahawahan sa pamamagitan ng homosexual contact; 246 sa pamamagitan ng bisexual contact; at 114 sa pamamagitan ng heterosexual contact. Aabot sa 23 kaso ang nahawa naman dahil sa turok o karayom.

Naitala na sa National Capital Region ang may pinakamaraming kaso na mayroong 348, 147 sa Calabarzon, 93 sa Central Visayas, 87 sa Central Luzon, 56 sa Davao, 54 sa Western Visayas, at 151 mula sa iba pang lugar sa bansa.

Binanggit din sa ulat na sa mga kasong naitala noong Setyembre, nasa 103 ang nahawahan dahil sa transactional sex, karamihan ay mga lalaki na edad 18 hanggang 61; at 65 ay mga overseas Filipino worker (OFW).

Hinihikayat ng DoH ang mga nasa delikadong mahawahan ng sakit na sumailalim sa free testing; at ang mga magpopositibo ay hinihimok na sumailalim sa libreng gamutan.

Sa kabuuang 23,307 katao sa bansa ang namumuhay na may HIV.