Ni ROY C. MABASA

Sinabi kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang pagbibitiw sa puwesto ng anak niyang si Davao City Vice Mayor Paolo “Pulong” Duterte ay posibleng dahil sa dami ng mga usaping kinasasangkutan nito, kabilang ang pagkakadawit ng pangalan nito sa pagkakapuslit ng P6.4-bilyon shabu shipment sa Bureau of Customs (BoC).

“Napuno na siguro. Pinatawag sila sa Congress for nothing. Well, about the only thing that… was his name which appeared in a… And he considered it most unfair to… sa kanya,” sinabi ng Pangulo sa mga mamamahayag sa isang panayam sa Davao City.

Matatandaang nabanggit ang pangalan ni Pulong at ng bayaw niyang si Atty. Manases Carpio sa imbestigasyon ng Senado kaugnay ng nasabing bilyun-bilyong pisong kontrabando mula sa China.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Sinabi pa ng Pangulo na hindi niya iminungkahi sa kanyang panganay na magbitiw ito sa puwesto, kundi sinabi niya ritong gawin ang kung ano sa palagay nito ay tama.

“Sabi ko sa kanya, ikaw. You… you are in a position to do what is right. Kung ano lang ang tama sa iyo, gawin mo,” ayon sa Pangulo ay sinabi niya sa bise alkalde.

Sinabi rin ng Presidente na ang naging pasya ni Pulong ay naimpluwensiyahan din ng kontrobersiya kaugnay ng pre-debut pictorial ng anak nitong si Isabelle sa Malacañang.

Una nang napaulat na may kinalaman din ang pagbibitiw ni Pulong sa puwesto sa isinapublikong away nila ni Isabelle sa Facebook at Twitter noong nakaraang linggo.

Gayunman, inamin ng Pangulon na kinonsulta siya ng anak nang magkita sila nitong Linggo ng gabi habang nakaantabay sa updates tungkol sa nasusunog na NCCC Mall sa Ma-a, Davao City.

“But nagtanong siya kagabi. Doon kami nagkita-kita doon sa… ‘yung magkapatid, si Mayor (Sara Duterte-Carpio), pati siya. Habang naghihintay kami ng balita, tinanong niya ako,” kuwento ng Pangulo.

Aniya, pinayuhan niya ang bise alkalde “[to] let the people decide.”

“But if you think that there is a better to do it, do what’s right. ‘Yun lang,” anang Pangulo.