Ni Jaimie Rose Aberia

Patay ang isang barangay chief sa Maynila, habang sugatan ang isang pedicab driver matapos barilin ng mga armadong sakay sa motorsiklo sa kasagsagan ng pagdiriwang ng Pasko sa Tondo, nitong Lunes ng gabi.

Kinilala ni PO3 Ryan Jay Balagtas, ng Manila Police District (MPD) Crimes Against Persons Investigation Section, ang napatay na si Barangay 104 chairman Randy Reyes, 46, ng Lallana Street. Samantala, ang sugatan ay kinilalang si Rodel Mariano, 42, ng Maginoo Street.

Base sa imbestigasyon, nagbi-videoke si Reyes sa kahabaan ng J.P. Rizal Street nang lapitan siya ng isa sa mga suspek, na nakasuot ng mask, at barilin nang dalawang beses sa ulo at katawan, dakong 11:15 ng gabi.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Agad sumakay ang suspek sa getaway vehicle na minamaneho ng kasabwat nito.

Habang tumatakas ang mga suspek, aksidenteng naharangan ni Mariano, na ipinaparada ang kanyang pedicab, ang dadaanan ng mga suspek.

Nagalit ang armado at binaril si Mariano sa katawan.

Isinugod ang mga biktima sa ospital, ngunit tuluyang nalagutan ng hininga si Reyes. Patuloy namang nagpapagaling si Mariano.

Ayon kay MPD Station 1 chief Romeo Estabillo, patuloy nilang inaalam ang motibo sa pagpatay.

Samantala, sinabi ni Balagtas na inamin ng isang kamag-anak ng biktima na dating drug dependent si Reyes.